
Kailanman, ang lagak-pangkagipitan o emergency fund, kung minsan ay tinatawag ding rainy-day fund o safety net fund, ay hindi maaring mawala sa usapin ng papaplanong-pampinansyal. Simple lang ang konsepto sa pagkakaroon nito: ang mapaghandaan ang mga di-kaaya-ayang pangyayari o kagipitan sa pangangailangang-pinansyal sa hinaharap.
Magkano ba dapat ang aking Emergency Fund? Ikaw, magkano ba ang kakailanganin mo sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan? Oo, karamihan ng mga financial planners o gurus ay nagsasabing ang laman ng emergency fund ay katumbas ng nairaraos na gastusin (living expenses) sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Ngayon, kung nahihirapan kang alamin, maaari ring katumbas ito ng tatlo hanggang anim na buwang sahod (halimbawa, P15,000.00 x 6 = P90,000.00). Sa pagtutuos, maaring masabi mong sobrang laki ng halagang kakailanganin mo. Huwag kang mag-alala. Gaya ng savings account, ang emergency fund ay unti-unting pinapalago; hindi mo ito magagawa sa isang iglap, maliban na lamang kung may bigla ka ngang kita o pera na maipapasok bilang lagak.
Saan ko magagamit ang perang nailagak? Maraming mga pangyayari sa ating buhay ang hindi natin kontrolado. Subalit sa tulong ng pagkakaroon ng emergency fund, maaari nating maibsan ang bigat, hindi na natin kakailanganin pang umasa sa iba, o mabaon sa utang. Narito ang ilang mga sitwasyon kung saan mo ito magagamit:
- pagkatanggal o pagkawala ng trabaho (kakailanganin mo ng panustos habang ikaw ay naghahanap ng bagong trabaho o panggastos sa sangkatutak na bagong requirements)
- pagkakasakit o pagkakaospital (kung minsan hindi lamang ang may sakit ang kailangang gastusan kundi pati na ang tagabantay o tagapag-alaga)
- pagkamatay ng mahal sa buhay (masyadong mahal na ngayon ang funeral services pati na ang loteng paglilibingan)
- aksidente (bukod sa pagpapa-ospital, asahan din na wala kang kikitain dahil sa leave sa trabaho)
- pangunahing pagkukumpuni ng bahay (maaring sirang kisame, sirang drainage, atbp.)
- pagkasira ng gadget (gaya ng laptop o cellphone, lalo na kung kinakailangan mo sa iyong trabaho)
- bagong destino o lipat trabaho (natanggal ka man sa dating trabaho o nadestino sa malayong lugar)
- hindi-maiwasang pagpapautang sa ka-anak (minsan may mga tao at pagkakataong hindi mo matatanggihang magpahiram ng pera)
- at marami pang iba.
Saan ko maaring ilagak ang pondo? Huwag kakalimutang para sa emergency ang pera kayat ilagak ito sa kung saan mo madaling makukuha kung kakailanganin. Maaring sa isang savings account sa bangko na kahit papaano ay kumikita ng interes. Ipinapayo din na iwasan ang Time Deposit (TD) dahil may katumbas na kaltas o walang interes sakaling kakailanganin bago ang napagkasunduang termino. Maiging itago at huwag palaging dalhin ang ATM o passbook upang maiwasan ang padalos-dalos na paggamit ng pondo.
Be the first to comment