Tseklist sa Pagbubukod (Moving Out of Your Parents’ House)

Tseklist sa Pagbubukod

Hindi bahagi ng ating nakagisnang kultura bilang mga Pilipino ang maagang pagbubukod mula sa ating mga magulang sa pagtuntong sa legal age o kahit sa mga unang taon ng ating pagiging bahagi ng working population. Subalit, marami-rami na rin ang mga nasa independent status ng pamumuhay dahil sa maraming mga dahilan; maaaring dahil sa lokasyon ng bagong trabaho, maaaring dahil sa sitwasyon sa pamilya, o maaaring dahil (o sa pagkalahatan) sa sariling desisyon.

Maliit man o malaki ang silid, flat, o apartment na lilipatan, naniniwala akong ang pagbubukod mula sa pamilya o mga magulang ay kailangang pinagpaplanuhan at pinaghahandaan. Dahil sa napakahalagang usaping ito, sinubukan kong magtala ng mga aytem (sa aking naisip na checklist) na dapat unahing isaalang-alang.

[1] Comfortable Bed. Sumisimbolo ang isang komportableng higaan sa maayos na pahinga. Ang pamumuhunan sa isang simple ngunit komportableng higaan ay maaaring makapagdulot ng napakaraming kapakinabangan; halimbawa, kaalwanang pisikal, sikolohikal, at mental.

Ayon sa mga lifestyle guru, may apat na kailangang isaalang-alang sa pagpili: comfort, durability, support, at space. Una, ang kaginhawahan o comfort ay maaaring nakadepende sa upholstery layers ng kama. Subukang pakinggan ang payo ng mga may-ari ng bilihan at kilatising maigi ang mga inirerekomenda.

Ang support o pagpapanatili ng kaalwanang pisikal sa katawan sa bawat pagbiling at pagsiklot, at durability o consistency ng pakinabang nito sa pagdaan ng panahon ay parehas na maaaring maibatay sa tibay ng frame nito. Sa puntong ito, mairerekomenda ang bakal (steel) na frame; bukod sa tibay, mas madali pa ang pagdi-disasseble at paglilipat. Ikahuli, ang space o sukat ay hindi malaking isyu para sa isang single; ngunit syempre, maaari ring isipin na minsan ay kailangang may katabi ka sa pagtulog (alam mo na).

bedroom.iMillennial.pixabayfreephoto

[2] Basic Kitchen Tools at Dining Set. Maraming kapakinabangan ang personal na paghahanda ng pagkain. Bukod sa malaking katotohanang makakatipid ka, makatitiyak ka pang malinis at healthy ang iyong kinakain. Idagdag pa, kawili-wili ring libangan ang pagluluto at gawing espesyal ang mga ordinaryong resipe. Minsan, maaari ka ring mag-anyaya ng espesyal na tao at subukang ipatikim ang mga masasarap na pagkain.

kitchen.iMillennial.pixabayfreephoto

[3] Basic Appliances. Madalas, ang matagal na paglalagi sa flat o apartment ng mga young working professional ay tuwing pagkagaling sa trabaho at weekends lamang. Dahil dito, maipapayo na maging minimalist na lamang lalo na pagdating sa appliances.

Halimbawa, ang television at entertainment set ay mapupunan ng pagkakaroon ng laptop o desktop, hindi na kailangan ng electric fan sakaling may available nang airconditioning unit, at sa halip na bumili ng washing machine, pagtyagaan na lamang ang paunti-unting paglalaba o kung walang panahon para rito, napakarami syempreng laundry shops sa labasan. Idagdag pa, makabubuti ring magkaroon ng kahit maliit na fridge. Malaking tulong ito upang maimbak at tumgal ang mga pagkain at inumin.

[4] Closet/Cabinet/Shelf. Sa pagbubukod, kung maaari, isama lamang ang mga gamit-personal na talagang kailangang-kailangan. Kahit papaano, mainam na magtira kahit mga maaayos at paboritong mga damit sa bahay ng mga magulang. Asahan na may mga pagkakataong makikituloy at makikitulog ka pa rin sa kanila kung kaya’t ituring na extension lamang ang lilipatang bagong apartment o flat.

Upang ma-organize nang maigi ang mga isasamang gamit, tumingin-tingin at bumili ng cabinet at iba pang organizers, syempre, base sa magiging tema o motif na gusto mo. Isaalang-alang din ang magiging pwesto at ang espayong uukupahin ng mga ito.

[5] Mini-Sofa o Mini-living Room Set. Bago mo isama sa iyong tesklist ang aytem na ito, isipin muna ang natitira pang espasyo sa iyong flat o apartment matapos maipasok ang iyong komportableng kama, appliances, dining set, at cabinets. Ngayon, kung meron pa nga, maaari at malaking kapakinabangan ang paglalaan para rito.

Hindi natin maiiwasang mag-entertain ng iilang bisita, kaibigan, kasintahan o kahit ang ating mga magulang. Maraming mga living room set sa mga furniture shop na simple, mura lang, at hindi gaanong kalaking espasyo ang sasakupin. Kung wala naman, sikapin na lamang na magkaroon ng kahit dalawa o tatlong extrang upuan na magagamit ng ibang tao bukod sa iyo.

carpet.iMillennial.pixabayfreephoto

[6] Living Area Carpet. Marahil nagtataka ka kung bakit ko isinama ang aytem na ito. Oo nagtataka ka nga no? Punto ko kasi, baka gusto mo rin minsan nakasalampak sa sahig habang ginagawa ang iyong trabaho sa iyong laptop o habang nanonood ka ng movies tuwing weekends. O kung hindi man, gusto mong naka-paa o nakayapak habang paikot-ikot sa loob ng iyong flat o apartment.

Sa kabuuan, naniniwala akong hindi kailangang gumastos nang malaki sa pagsisimula, pati na sa pamumuhay bilang ganap na independent at working young professional. Isa pa, hindi kailangang padalos-dalos sa pagpapasya hinggil sa usapin ng pagbubukod mula sa mga magulang. Sa puntong ito, makabubuting isaalang-alang at timbangin nang maayos ang mga kakailanganin at kakaharapin sa pamumuhany nang mag-isa. Siyempre, praktikal na maghanda ng isang tseklist para rito.

Be the first to comment

Share Your Thoughts!

Your email address will not be published.


*