
Kamakailan lang ako naging ganap na financially literate. Sabagay, sa edad ko na 26 ay masasabing bata pa, at ika nga, hindi ko pa dapat sineseryoso at pinoproblema nang husto ang buhay. Gayunpaman, hayaan ninyong ibahagi ko ang siyam na aytems sa aking tseklist-pampinansyal:
[1] Iwasan ang Pangungutang. Magandang i-reward o i-treat ang sarili paminsan-minsan sa kabila ng mga malalaki at mumunti mang tagumpay subalit hindi kinakailangang maging maluho at gumastos nang husto. Kahit papaano, kailangang may naitatabing konti mula sa aktuwal na badyet para sa mga ganitong pagkakataon upang maiwasan ang pangungutang.
Idagdag pa, naniniwala akong mas makabubuti ring huwag nang subukang mag-apply pa ng credit card, sa halip gumamit na lamang ng debit card.
[2] Gumawa ng Budget Plan. Karaniwang kaisipan na walang kwenta ang pagbabadyet dahil hindi mo talaga kontrolado ang daloy ng pera. Oo, mahirap magbadyet subalit kapagka nakasanayan mo na ito at naging bahagi na ng iyong sistema, nagiging disiplinado ka na pagdating sa pag-gasta.
[3] Huwag Maging Padalos-dalos. Kung maaari huwag nang i-entertain ang mga nag-aalok kung hindi rin lang kailangan. Kasabay nito, iwasan ding maging pabigla-bigla ng desisyon pagdating sa pagbili ng mga bagay-bagay. Mas makabubuting maglaan ng sapat na oras o panahon upang mapag-isipang maigi kung talagang kakailanganin ang bibilhin.
[4] Suriin ang Kalagayang-Pinansyal. Minsan, subukang umupo at maglista ng mga pagmamay-ari na may financial value; halimbawa, gadgets, ipon sa bangko, mga masisingil, atbp. Kasama ring ilista at ikumpara ang mga pagkaka-utang at mga bayarin kasama na ang insurance, hinuhulugang gamit, atbp. Sa pamamagitan nito, malalaman mo kung mas malaki ba ang value ng assets mo kaysa sa liabilities.
[5] Pamahalaang Maigi ang mga Bayarin. Sa edad na 26, nagsisimula na ang mga bayarin o mga kontribusyong-pinansyal sa pamilya. Maghanda ng tala ng bills at due dates. Upang makaiwas sa surchange o patong na singil, planuhin ang pagbabayad sa oras.
[6] Palaguin ang Lagak-Pangkagipitan (Emergency Fund). Palaging isipin na may naka-ambang na kagipitan, maging ito man ay hospitalization, pagkasira ng gadget, pagpapagawa ng sasakyan, atbp., at ito ay kailangang mapaghandaan. Maglaan mula sa buwanang sahod para rito. Kinakailangan rin na ang lagak ay madaling makukuha o mawi-withdraw, maaring sa mini-vault o sa bangko.
[7] Magdagdag ng Panggagalingan ng Passive Income. Karamihan sa atin naniniwalang hindi ganoon ka-sapat ang kinikita mula sa pinapasukan o sa trabaho. Sa ngayon, hindi na ito ang tunay na isyu, kundi ang paghahanap pa ng sidelines o ibang pagmumulan ng passive income.
[8] Ayusin ang Karera at Pagganap-Pampinansyal. Hindi mo naman talaga kinakailangang mahalin ang kumpanya o opisinang pinanggagalingan ng ikabubuhay; sapat na na mahal mo ang iyong trabaho o ginagawa para kumita. Tutal, maaring hindi ka kawalan dahil makakahanap at makakahanap ang iyong employer ng kasinggaling o mas magaling pa sa iyo. Ang punto, paghusayan ang ginagawa, palaguin pa ang kaalaman at kasanayan, at ayusin ang karera.
[9] Subukan ang mga Tiyak na Pamuhunan (Investments). Sa edad na 26, mas makabubuting magkaroon ng mas magandang pananaw hinggil sa buhay at pagtanda. Simulan na ang pag-iinvest; maaring magsimula sa paper assets gaya ng mutual funds, stock investments, atbp., o kung bigatin ka, simulan na ang paghuhulog sa iyong pinapangarap na bahay at lupa. Sa kabila nito, siguraduhin na may papupuntahan ang investment. Huwag nang maging pasaway at tumaya pa sa mga hindi sigurado.
Sa kabuuan, mainam na sa mga paunang taon ng pagiging bahagi ng aktibong mundo ng paggawa, maisaalang-alang ang mga aspetong pampinansyal. Maaari ngang maling isipin na pera ang nagpapatakbo ng mundo, subalit hindi natin maikakaila na basehan ng tagumpay ng isang tao ang pagiging panatag sa usaping pampinansyal.
Be the first to comment