Stock Market: Scam o Hindi?

Stock Market: Scam o Hindi?

Marami ang nagtatanong: “Scam nga ba ang stock market?”

Minsan, nai-share ko sa isang co-worker na may pinagkakaabalahan akong investment — stock investment. Sabi lang niya, (marahil isang hindi napag-isipang bulalas) “Naku, scam yan! Uubusin niyan pera mo.” Sabi ko naman, “Magbasa ka kaya.” Marami pa akong binanggit sa kanya tungkol sa mga bagay na alam at inaral ko tungkol dito. Siguro, nasilo na siya kaya’t segunda na lang niya, “Ah basta, sugal yan. Marami naba-bankrupt diyan.”

Ngayon, sisimulan kong i-deconstruct ang stock investment o stock trading sa abot ng aking kaalaman. Ngunit bago iyan, lilinawin ko na hindi ako isang propesyunal na stock investor o aral na financial planner.

Ano nga ba ang Philippine Stock Market o Stock Exchange?

Ang Philippine Stock Exchange o PSE ay ang pambansang pamilihan ng sapi ng Pilipinas. Isa itong uri ng pamilihan o merkado ng mga shares of stocks o saping pamuhunan (alamin ang iba’t ibang uri ng stocks) sa ibat-ibang nakarehistrong kumpanya o ‘publicly listed’ companies sa bansa. Kung gusto mong maging stockholder ng malalaking kumpanya sa paniniwalang kikita ka habang kumikita sila, kailangan mo ng access o pagpasok sa pamilihang ito.

Scam, Pyramiding o Networking ba ito?

Isang malaking HINDI. Maraming pagsasaalang-alang-legalidad ang isinasagawa sa bawat transaksyon sa pamilihang ito. Ang lahat ng bagay, deklarasyon, at proseso sa stock market ay nasa pangangasiwa at regulasyon ng komisyon ng Philippine Stock Exchange. Siyempre, sinusuportahan ito ng mga batas pang-ekonomiya ng ating bansa para sa pantay at malinis na pagbili at pagbenta ng mga sapi.

Isa pa, kung sa tingin mo cheap at scam ang mga kumpanyang gaya ng PLDT, Ayala, Jollibee, BDO, at SM, aba’y marahil napag-iiwanan na nang milya-milya ang iyong kaalaman. Ang mga kumpanyang binanggit ko ay iilan lamang sa pangunahing ‘publicly listed’ companies at bumubuo sa PSEi o Philippine Stock Exchange Index na karaniwan namang basehan ng iba pang investments gaya ng Mutual Funds.

Wala pong referral system sa stock market. Hindi ka kikita rito dahil naka-engganyo ka ng katrabaho o kamag-anak na mag-invest din. Hindi ito gaya ng networking.

Ngayon, paano pumasok sa Stock Market?

Simple lang. Kakailanganin mo ng stock broker. Karaniwan, ang broker o brokerage ay isang institusyon na nangungomisyon sa kanilang pagpapagitna sa investor (sa atin) at sa stock market. Ang broker ang nagpo-proseso ng mga transaksiyon gaya ng pagbili at pagbenta ng mga sapi.

Sa kasalukuyan, uso ang online broker. Dahil dito, mas mabilis, mas mura (transaction fee) at mas makatutuhanan ang mga transaksyon sa stock market. Maaari mong bisitahin ang website ng Philippine Stock Exchange para sa listahan ng mga lehitimong broker. Mula dito, subukan mong pumili at sundin ang mga kaukulang proseso na hinihingi para magkaroon ng account.

Para sa karamihan, mas user-friendly ang online account sa COL Financial Group, Inc., isang online brokerage. Subalit, kung ikaw ay may account sa mga bangko gaya ng BPI, Metrobank, at BDO, maaari ring magbukas ng account dahil meron na din silang mga serbiyong ganito.

Paano kumita sa Stock Market?

Kikita ka dito sa pamamagitan ng dividends at price appreciation.

Ang dividends ay bahagi mo bilang shareholder sa kita ng kumpanya. Halimbawa, may isang libo kang shares ng BDO stocks. Sa pagi-issue nito ng P1.00 per share na dividend, makakakuha ka ng isang libong piso. Pero siyempre, may kaunting bawas ang aktuwal na halaga dahil sa tax at broker’s fee.

Ikalawa, ang price appreciation naman ay ang pagtaas ng halaga ng stocks. Habang lumalago ang kumpanya, nae-engganyo ang mga mamumuhunan na bumili at bumili pa ng stocks nito kung kaya’t natutulak pataas ang presyo. Ngayon, kapagka ibenenta mo ang shares na hawak mo sa mas mataas na presyo kung ihahambing sa presyo nito noong nabili mo, edi siyempre, kumita ka.

Wow, magkano naman ang kita dito?

Walang kasiguraduhan kung magkano. Hindi fixed. Karaniwan, nakadepende sa emosyon ng tao, ng mga investor, ang galaw ng merkado. Bukod dito, maisasaalang-alang din ang performance ng kompanya, mga batas at bagong patakarang pang-ekonmiya, at pati na pulitika.

Bakit nalulugi ang ilan? (actually karamihan)

Simple lang ang kasagutan— dahil naging impulsive sila. Nalulugi ang karamihan dahil nag-papanic sa biglang pagbaba ng presyo ng stocks at nagbebenta ng hawak na shares sa mas mababang presyo (alamin pa ang ibang mga kamalian ng stock investors). Tandaan na normal sa pamihilang ito ang pagtaas at pagbaba ng mga presyo ng stocks. Walang nakakaalam o makakahula kung kailan tataas o bababa ang mga presyo, subalit ginagamit ang mga chart at graph upang aralin ang historical patterns. Minsan nakakatulong, minsan hindi.

Kapag bumaba ang presyo, lugi na ba ako?

Paper loss ang tawag dito. Kapagka-ibinenta mo o ni-liquidate, siyampre lugi ka nga. Subalit may mga gumagawa pa rin nito sa paniniwalang hindi na o matatagalan pa bago tumaas ang presyo at iniisip na kailangang maprotektahan ang kanilang kapital.

Kailangan bang regular ang paghuhulog ko sa aking account?

Hindi naman. Pero marami ang nagsasabi na mas maigi na gawin ang Peso-Cost Averaging para makasabay sa pagbaba at pagtaas ng presyo ng mga sapi.

Paano kapag na-bankrupt ang broker ko?

Walang problema. Maaari mo namang i-proseso ang paglipat sa bagong broker o pagkuha ng stock certificate. Taga-pamagitan lamang ang broker at hindi talaga sa kanila napupunta ang investments mo, kundi sa Philippine Stock Exchange.

Paano kapag ayaw ko na sa investment na ito?

Kakailanganin mo siyempre na ibenta lahat ng shares of stocks mo o iliquidate at hilingin sa broker na ibalik na sa iyo ang salaping pinagbentahan. Maaring ilagak ito ng broker sa iyong bank account o isyuhan ka ng tseke. Dapat mong malaman mula sa broker kung papaano ang prosesong sinusunod para dito. Alamin kung paano ako pumasok sa stock market >>> Paano Ako Pumasok sa Stock Market?

Be the first to comment

Share Your Thoughts!

Your email address will not be published.


*