
Malamang naghahanap ka ng kasagutan sa kung ano nga ba ang dapat unahin o gawing prayoridad — savings o investments?
Simulan natin sa batayang kaalaman. Bigyan natin ng pakahulugan ang dalawang termino. Maaari mo ring basahin ang magkahiwalay na pagtalakay sa mga link na ito: (1) Gabay sa Pagbubukas ng Savings Account at (2), Bakit Kailangang Mag-invest? Gayunpaman, narito ang lagom:
Ang saving ay ang pagtatabi ng pera paunti-unti. Karaniwan tayo ay nag-iimpok gamit ang alkansiya at nagbubukas ng savings account sa bangko upang makapagtabi ng labis (o sadyang inilaan para rito) sa ating gastos upang mapaghandaan ang mga pagkakagastahang okasyon, emergency (basahin ang tungkol sa lagak-pangkagipitan o emergency fund), at iba pang plano sa hinaharap.
Sa kabilang banda, ang investing ay ang paggamit ng naitabi o hawak na pera upang ipamuhunan sa mga asset o ari-arian gaya ng lupa, stocks o mga sapi, pakikibahagi sa isang fund at iba pa, sa pagnanais na ito ay lalago sa paglipas ng panahon.
So, savings o investments?
Sa bahaging ito, sinasabi kong unahin mo ang pagbabayad ng utang dahil ito ang unang hakbang bago tuluyang makapag-save at makapag-invest. Oo, maawa ka naman sa pinagkakautangan mo! Hindi biro, ito talaga ang unang hakbang.
Matapos mabayaran ang lahat ng pagkakautang (tandaan, may dalawang uri ng utang — good and bad debts, at ang tinutukoy ko ay ang bad debt). Simulan mo naman ang pagpapalago ng iyong lagak-pangkagipitan o emergency fund (basahin ang Usapang Lagak-Pangkagipitan).
Makakatulong ito sakaling biglang magkaroon ng kagipitan o sakuna na mangangailangan ka ng malaking halaga. Sa puntong ito, kapagka inuna mo ang investment at wala kang emergency fund, maaaring wala kang ibang choice kundi gamitin ito kahit lugi ka pa, walang kinita o kung meron man, sadyang kaunti lamang.
So, savings o investments?
Unahin muna ang savings para sa lagak-pangkagipitan o emergency fund. Kung sa tingin mo ay makatwiran na ang halaga nito, saka mo simulan ang investing o pamumuhunan. Nauunawaan mo ba?
Kung oo, maaari ko na sigurong sabihin na PAREHAS. Bakit mo naman kailangang pumili kung pwede ka naman palang humantong sa yugtong may parehong —- savings at investments. ‘Yun nga lang, kailangan mo nang simulan ang savings upang makapagsimula ka na rin sa iyong investments. Astig, diba?
Be the first to comment