Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials [Reviews]

Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials (Reviews)

PUSUAN MO: An Anthology of Literary Works for Millennials is a 195-page compendium of telltale literary works categorized into essays, short stories and flash fiction, and poems – all written and edited by young millennial school teachers for millennial (and nonmillennial) readers. It was published by Southern Voices Printing Press in March 2018 and will be available soon at selected branches of National Book Store.

Hindi man lahat kami ay may ‘degree’ o ‘diploma’ sa malikhaing pagsulat, nakadalo ng mga pambansang workshop o palihan at pagsasanay sa pagsulat, at nanalo ng mga lokal at pambansang patimpalak sa panitikan, naniniwala kaming kaya rin naming maging tinig ng aming henerasyon. Ang iba sa amin ay English and Filipino teachers, kitchen goddess, volleyball star, senior high schools network manager, assistant principal, church leader, Filipinologist, hearthrob teacher, jack-of-all-trades, blogger, psychologist, linguist, musician, registered nurse, historian, statistician, financial adviser, investors, singers and songwriters, at iba pa. Iba’t iba man kami ng hilig, husay, galing, at talento ay naniniwala kaming pinagbuklod kami ng iisang layunin,”— Editors and Contibutors, Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials.

What Other Writers Say About Pusuan Mo Anthology

“Isa sa mga pinakamalaking problema ng henerasyong ito ay ang kawalan ng motibasyon upang tumindig para sa sarili. Malaking bahagi ng problema ay ang social media, kung saan madali lang magpatangay sa mga haka-haka at tsismis.

Ang Pusuan Mo: Anthology of Literary Works for Millennials ay isang sigaw at pagtindig sa mga napapanahong isyu na bumabalot sa ating lahat, hindi lang sa mga milenyal. Sa mga pahina nito matatagpuan ang umuusbong na tapang at malasakit sa kapwa at nasyon.

Sumisinag sa antolohiyang ito ang pag-asang hindi pa huli ang lahat, at mayroon pa ring may pakialam at kikilos, para hindi naman tuluyang lumubog sa kumunoy ang ating bansa. Isang pagpupugay sa henerasyong milenyal, at sa intelligentsia nitong may konsensiya,” – MARIUS CARLOS, JR., Journalist, Editor, and Founder of Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko at Titik (KADLiT).

“Tamang timplada ng mga tangkang pagpapakahulugan sa henerasyong tinawag na ‘millennial’ ang antolohiyang ito. Gayong nilimitahan na ng starter pack (Confession ng Isang Millennial) at inaakalang hanggang hugot lang (Ang Istorya sa Likod ng mga Hugot, at iba pa), matalas na nailarawan ng mga akda ang mga lunan ng mga millennial.

Hindi sila mapirmi, lalo’t mobile, sa pisikal na mundo at sa cyberspace. Kadalasang nagiging biktima ng packaging ng kapitalismo sa kulturang popular, nagiging diyos sa pagiging hacker (Must Read: Viral, Trending, and Shocking Revelation of a Flying Octopus) at anonymous poster sa mga grupong Secret Files. Sa pagbibigay ng kahulugan sa mga millennial, nabibigyan ng direksyon ang henerasyong ito, mula sa financial literacy (Mapping Out Millennial’s Journey Towards Financial Freedom) hanggang sa kung paano magpakatao,” – MARK ANGELES, Premyadong Makata, 2013 Iowa International Writing Program Fellow, at May-akda, Gagambeks.

“Lubhang mapanghusga ang tulang ‘Soneto sa Millennials’ na aking nalikha nitong unang buwan ng 2018. Ngunit matapos kong mabasa ang Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials ay natuklasan kong may sariling lalim at pamamaraan ang mga manunulat na millennials upang harapin ang kanilang mga pakikibaka sa buhay at makisangkot sa mga isyung panlipunan.

Ang bawat akda ay paglalantad ng saloobin, damdamin at ideolohiyang gamit ang wika at pamamaraang angkop sa kasalukuyang henerasyon. Sa huli, matutuklasan nating may tinig at tindig din ang mga millennials laban sa iba’t ibang uri at anyo ng pagsasamantala. Mainam na hakbang ang pagbasa sa kanilang akda upang higit natin silang makilala at maunawaan,”—Prof. JOEL COSTA MALABANAN, Philippine Normal University | Makata at Musikero ng Bayan.

“Dapat mong pusuan ang mga akdang ito! Bilang isang guro ng mga binabansagang millennials ay higit kong nakilala ang kanilang panahon. Mula sa maling connotations hanggang sa mga ipinaglalaban at nakalilimutan na nilang dapat na ipaglaban. Ang akdang ito ay rollercoaster ng iba’t ibang klase ng pagpuso na hindi dapat palampasin ng millennials at mga nagnanais kilalanin ang millennials,” – ANDREW PEREZ-PADERNAL, Guro at Mananaliksik | Rizal High School.

“Pinatunayan ng antolohiyang ito na hindi lang para sa kabataang milenyal ang ‘starter pack’ bilang bokabularyo ng danas sa kulturang popular. Malinaw ang lente ng mga titser-manunulat sa koleksyong ito sa pagtatangka ng mga naratibo na butasin ang pader sa pagitan ng pabebeng istudyante at terror na titser. Kaya sa totoo lang, para kay mam at ser ang starter pack na ito,”—JOMAR ADAYA, Polytechnic University of the Philippines.

“Nag-iiba ang panahon kung saan tayo nabubuhay, ngunit ang mga bagay na tunay na mahalaga ay mananatiling mahalaga kahit saang panahon mo pa ito tignan. Ito ang sinalamin ng koleksyong ito. Ipinakita ng mga akda dito ang mga katotohanang lampas sa screen ng ating mga cellphones at sa labas ng salamin ng social media.

Higit sa lahat, isinulat ito ng mga guro na nasa klase mismo at hindi ng mga doktor o ng mga gurong may matataas na posisyon sa eskwelahan na hindi na ata nakakadalaw sa mga klasrum, mga ordinaryong guro na may pagsipat sa kalagayan ng kanilang mga mag-aaral. Hindi basta nagtuturo lang kundi may repleksyon sa mismong mga estudyanteng kanilang tinuturuan. Gusto kong i-like ang mga akda dito, at i-share na din sa mas maraming guro at estudyante. Pusuan natin ito. Ito dapat ang dapat mag-trending,” – ROMMEL ASUNCION PAMAOS, Guro at Manunulat | May-akda, Kada Isang Buwan.

“Hitik sa karanasan ang mga akdang narito—sa loob at labas man ng klasrum. Dahil lagpas sa mga libro ang pagkatuto. Nagtuturo ngunit hindi nagdidikta. Bawat akda’y kapupulutan ng aral. Patunay ang koleksiyong ito na hindi lamang lesson plan ang inaatupag ni titser,” – XEUS DC FOJA, mula sa pamilya ng mga titser, Makata.

“Palagi tayong nauunahan ng mga agam-agam na walang ginawa ang mga kabataan ngayon kundi ang mag-selfie at magbabad sa social media. Sa panahong pinararatangan nating milenyal ang mitsa ng agarang paglubog ng intelektuwal na gawain gaya ng pagsusulat, pinatutunayan naman ng antolohiyang ito ng mga milenyal na may haplos pa rin sa kamalayan ang malikhaing diwa at ang pagiging masikhay sa pagpapalawig ng kaisipan dahil maaaring lumutang ang likhang sining sa minu-minutong pag-aabang natin kung ano ang ilalike at pupusuan nating mga pekeng pangarap at pagaangas. Ang antolohiyang ito ay magdudulot ng mainam na posibilidad sa iyo. Oo, sa iyo na nagbabasa nito ngayon. Dahil ang mga akdang ito’y lintik na humahagupit sa lipunang ito na tila pinapanawan ng bait,”–ROMEO PALUSTRE PEÑA, May-akda ng Nobelang “Isang One Dalawang Zero”

Grab your copy of Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials now! For copy reservations and orders, please send your requests to [email protected]. We process shipment anywhere in the country once payment through our Metrobank account is made.  

Be the first to comment

Share Your Thoughts!

Your email address will not be published.


*