
Para saan nga ba ang life insurance ko? Katunayan, kamakailan ko lamang din napagtanto kung para saan.
Four years ago, sabi ng tita ko na ahente ng isang insurance company, “Kenneth, oh eto ha, kukuhaan kita ng insurance. Maganda ito sa iyo. Investment mo din ‘to.”
Sagot ko naman, “Ay, baka mahal.” Sabi naman niya, “Hindi. Magaan lang. Nasa sampung libo lang per annum. Pero gawin natin semi-annual. Limang libo lang bawat January at June.” Pagkatapos, paunti-unti na siyang nagtanong ng mga detalye tungkol sa akin, at iniabot ang application form para sa pirma ko.
Tinuluy-tuloy ko na nga ang pagbabayad ng amortization ng insurance ko. Tutal, maganda naman ang nakalagay na terms sa policy (kapagka nakakabasa ako ng article tungkol sa insurance, binabalikan ko ulit ang terms ng hawak kong policy). Naniniguro lang! Ngayong nangangalahati na ako sa regular na pagbabayad, unti-unti ko nang nare-realize ang advantages nito.
Unang-una, sa edad ko (26 years) eh, aba, mahirap talaga makapag-ipon. Labas dito, labas doon. Minsan nauubos talaga ang sahod sa wala. Dahil dito, naniniwala ako na isang savings account din ang insurance. Kahit papano, may napupuntahan ang pera ko. Katunayan, base sa terms, may makukuha pa rin akong pera kahit isurrender ko ang policy at ihinto ang pagbabayad bago ang maturity nito.
Ikalawa, lahat tayo ay tatanda (iyon ay kung hindi ako maded-deds agad) at mas maiging napaghahandaan ang bahaging ito ng ating buhay. Base kasi sa isang pag-aaral, napakaraming Pilipinong nasa retirement age na ang kung hindi tuloy sa paghahanapbuhay, eh umaasa na lang sa iba (sa anak o kamag-anak).
Ikatlo, kung hindi man aabot sa pagtanda, at least hindi na mahihirapan pa ang maiiwang kaanak, o kaya kung mababaldado at hindi na tuluyang makapagtrabaho, may mapagsisimulan ng kahit mumunting negosyo.
At ikahuli, ang pera na makukuha ng kaanak, kung sakali nga, ay magsisilbing kasangkapan upang maprotektahan ang iba pang yaman gayan ng real estate o stock investment. Magagamit ang pera upang maipambayad ng estate tax at tuluyang mapasa-kaanak na napag-iwanan ang mga ari-arian.
Kaya, kailangan kong mairaos ang pagbabayad ng aking insurance amortization sa sususnod pang anim na taon. Medyo maiksing panahon na lang naman diba!
Be the first to comment