Paano Gumawa ng Sariling Blog (Self-Hosted Blog)?

Paano Gumawa ng Sariling Blog (Self-Hosted Blog)?

Napakaraming kapakinabangan ang pagkakaroon ng sariling blog, lalo na kung ito ay ganap na iyo o yaong tinatawag na self-hosted blog, at hindi nakadepende sa free public blogging platforms gaya ng Blogger (na naka-attach ang .blogspot.com), WordPress (.wordpress.com), Tumblr (.tumblr.com), atbp.

Sa tatlong mga halimbawang nabanggit, bukod sa isyu ng pagkakakilanlan at kontrol, mahirap din ang monetization o wala halos oportunidad upang kumita sa ad placements gaya ng AdSense, isa sa mga pangunahing pinanggagalingan ng passive income ng mga blogger.

Sa pahinang ito, susubukan kong magbigay ng mga gabay at tips sa mga nagnanais na gumawa o magkaroon ng self-hosted o sariling blog, gaya ng signedMARCO.

[1] Magkaroon ng Blogging Niche (o Sariling Teritoryo). Bawat segundo, napakaraming blog ang nalilikha, ngunit iilan lamang ang napapanatili sa paglipas ng mga buwan at taon, at isa sa mga pangunahing dahilan ang kawalan ng sariling niche o area of interest. Kung minsan, nagiging random na lamang ang mga artikulo at nawawalan ng maayos na tema.

Sa pagpili ng niche para sa sariling blog, maaring i-consider ang libangan, mga personal na interes, isports, adbokasiya, propesyon, fashion, atbp. Sa panig ko, ang aking adbokasiya na maging financially literate ang mga kabataan ang napagdesisyunang niche. Subukan ding itakda ang magiging lawak o sakop ng magiging niche. Sa tulong nito, magkakaroon ng direksyon ang iyong bagong proyekto.

Sa kabuuan, maraming benepisyo ang pagsisimula sa prosesong ito. Makakatulong ito sa pag-iisip at pagbibigay ng pangalan sa iyong sariling blog, pagpili ng magiging disenyo, at higit sa lahat ang paglikha ng mga nilalaman. Sa pag-arangkada ng iyong blog sa web, tiyak na magkakaroon ka rin ng mga regular na visitors.

[2] Pag-isipan ang Magiging Domain Name. Ano ba ang domain name? Isa itong identification string na tumutukoy sa administratibong awtonomiya ng isang blog o website sa Internet, na sumasailalim sa mga patakaran at pamamaraan ng Domain Name System (o DNS). Pwede ring sabihin na ito ang magiging address ng iyong blog.

May dalawang pangunahing bahagi ang isang domain name: ang top-level domain (TLD), ang .com, .net, .org, abp; at ang second-level domain na kailangan mong pag-isipan nang maigi. Maaari mong i-research sa web ang mga pagkakaiba-iba ng mga TLDs pati na ang localized domains gaya ng .com.ph.

Dahil napakalawak na nga ng web, kinakailangan mo talagang pag-isipang maigi ang magiging domain name o address ng iyong sariling blog upang madali itong mahanap. Ilan sa tips ayon sa mga eksperto: kailangan madali itong matandaan at i-type, maiksi at simple, batay sa iyong niche, iwasan ang ibang special characters gaya ng mga numero, at kailangan, base sa keywords sa mga search engine.

Maaari kang maglista ng mga napag-iisipang doman name at subukang i-check kung available pa. Maraming mga sites sa web, gaya ng mga web hosting sites, kung saan maaari itong gawin.

[3] Pumili ng Mapagkakatiwalaang Hosting Company (Iyong Subok na ng Nakararami). Sa kaso ko, SiteGround ang web host ng aking sariling blog. Ano nga ba ang web hosting service? Ang web hosting service ay isang uri ng serbisyo ng Internet na nagbibigay-daan sa mga indibidwal o organisasyon upang maging accessible ang kanilang blog o website via World Wide Web.

Web hosts ang mga kompanyang nagbibigay ng mga serbisyong ganito sa pamamagitan ng paglalaan ng mga espasyo sa kanilang server. Sa madaling salita, ang web hosts ang namamahala ng uploading at maintenance ng iyong magiging blog sa web.

Ilan sa mga salik na dapat isaalang-alang sa pagpili ng web host ang mga sumusunod: stable backup solutions, security, analytics, customer support, at uptime percentage. Idagdag mo na rin ang nago-offer ng automatic (wordpress.org) blog platform installation. Pinipili ng karamihang blogger sa Pilipinas ang mga international web host dahil sa kredibilidad at 24/7 customer support.

Bago ko makalimutan, hindi libre ang mga serbisyo ng web hosts. Maaari mong i-check sa kanilang websites ang web hosting plan na bagay sa iyo. Huwag kang mag-alala, hindi kalakihan ang karaniwang bayad. Isa pa, kung wala kang credit o debit card, maaari mong gamitin ang iyong reloadable virtual ‘credit’ card gaya ng PayMaya.

[4] I-install ang (WordPress) Blog Platform. Pangunahing blog platform ang WordPress (o WordPress.org; tandaan, kaiba ito sa WordPress.com). Para hindi ka mahirapan sa prosesong ito, hinihikayat kitang piliin ang mga web host na may automatic installation gaya ng SiteGround. Ang WordPress ang magsisilbing pangunahing content management system (CMS) ng iyong magiging blog. Dito mo sisimulang buuin ang bawat piraso ng iyong blog project base sa iyong kagustuhan at panlasa.

Kapagka nakarating ka na sa bahaging ito, kasama sa mga kakailanganin ang pagse-set ng admin log-in credentials, domain ptotocols (http, https, at kung nais mong may kasamang www ang iyong domain name), pagpili ng magiging disenyo o theme, atbp.

[5] Ayusin ang Disenyo (o Theme) ng Iyong Blog. Isa sa mga dahilan kung bakit hinihikayat kitang piliin ang WordPress ay ang di-hamak na bilang ng mga libreng disenyo o theme. Kung iyong makikita sa footer ng aking blog, ginagamit ko ang free MH Magazine Theme. Kapag kumita na ako sa blogging, maaari ko ring bilhin ang premium theme upang ma-unlock ang mga mas magaganda pang features nito.

Maaari mong subukang i-activate ang mga napupusuang theme at i-check ang features gaya ng customizable header at footer, page at menus, sidebars, writing fonts, atbp. Para sa beginners, dini-discourage ko ang pangingialam sa codes ng theme upang maiwasan ang distortion ng kabuuang disenyo at functionality, at upang makaiwas sa mga problema sakaling biglang mag-update ang theme.

[6] Mag-install ng Plugins. Sa content management o admin interface, hanapin ang plugins at subukang i-install at i-activate. Sa pamamagitan ng plugins, lalo mo pang mai-enhance ang appearance at functionality ng iyong sariling blog. Ilan sa mga activated plugins sa aking blog ang mga sumusunod:

Jetpak by WordPress.com: para sa traffic tools, email subscriptions, contact forms, related at recent posts, social sharing, atbp.

Yoast SEO: para sa page and post analyses, technical search engine optimization, XML sitemaps, atbp.

Advanced Ads: para sa ad placement management

[7] Magtakda ng mga Mahahalagang Blog Pages. Para sa monetization purposes, kakailanganin mong gumawa ng mga pangunahing pahina gaya ng About Us, Disclaimer, Privacy Policy, at Contact Us. Para sa mga blog advertising programs gaya ng AdSense, ang pagkakaroon ng mga pahinang ito ay magsisilbing patibay na seryoso ang blogger sa kanyang ginagawa. Maaari ka pang magbasa nang higit sa napakalawak na web tungkol sa AdSense at kung paano mag-apply (o magsign-up) upang maging source ng passive income ang iyong blog.

[8] Simulan na ang Pagsusulat ng Blog Posts. Isa sa mga pangunahing payo tungkol sa pagsusulat at pagpu-publish ng blog articles ay ang pagpapanatili ng kalidad ng mga ito. Pag-aralan ang magiging organisasyon at daloy ng mga talataan, mga internal at external links, at isa pa, isama sa tseklist mo ang proofreading upang maiwasto ang mga minimal na pagkakamali. Tandaan, maaring makabawas sa iyong kredibilidad bilang blogger ang mga kamalian sa spelling, grammar, atbp.

[9] Mag-research Kung Paano Mailalapit ang Iyong Blog sa Intended Audience. Kahit papano, kailangan mo na maging agresibo. Iyan ay dahil seryoso ka sa iyong proyekto, ang iyong sariling blog, at isa sa mga layunin mo ang magkaroon ng puwang sa napakalawak na web. Kasama rito ang Search Engine Optimization (o SEO), paggawa ng Facebook fan page, pagsumite ng sitemaps sa search engines sa pamamagitan halimbawa ng Google Search Console at Bing Webmaster Tools.

[10] Stay Blogging.

Be the first to comment

Share Your Thoughts!

Your email address will not be published.


*