Iba’t ibang Uri ng Stocks

Iba’t ibang Uri ng Stocks

Alamin ang iba’t ibang uri ng stocks upang maunawaan nang lubos ang stock investment.

Ang stock (o sapi) ay isang uri ng seguro (security) na nangangahulugang pagmamay-ari (ownership) ng isang kumpanya o korporasyon, at katumbas ng bahagi o habol sa ari-arian (assets) at kita (earnings) nito. May dalawang pangunahing uri ng mga sapi sa stock market: common at preferred stocks.

[1] Common Stocks. Katumbas nito ang karaniwang uri ng stocks na ini-issue ng mga kumpanya o korporasyon, at ang partisipasyon ng shareholders sa kita at paglago ng puhunan. May dalawang paraan para kumita sa pamamagitan ng pagbili at pagbenta ng common stocks: pagtaas ng presyo sa pagdaan ng panahon (price appreciation) at dibedendo (dividends).

Subalit, hindi lahat ng kumpanya ay nagbibigay ng dibidendo, o kung meron man, maaaring pabago-bago ang halaga ng dibidendo base sa daloy ng pera at kita (cash flows). Minsan, kaakibat din ng common stocks ang karapatang bumoto upang lumuklok ng lupon ng mga direktor (board of directors) at makilahaok sa iba pang isyung pang-korporasyon.

[2] Preferred Stocks. Karaniwan, kalakip ng preferred stocks ang tiyak na dibidendong bayarin sa tiyak na mga termino (specific payment terms) na maaring buwanan, minsan sa tatlong buwan, o taunan. Isa pang kagandahan nito, prayuridad ang shareholders ng preferred stocks na mabayaran o mabigyan ng karampatang kabahagi sakaling mabangkarote ang kumpanya o ma-liquidate ang mga ari-arian nito.

Sa kabila nito, karaniwang walang karapatang bumoto (no voting rights) ang mga may hawak, at madalas, hindi nakakasabay ang preferred stocks sa pagtaas ng halaga (price appreciation) ng pangkalahatang stocks ng kumpanya. Gayunpaman, walang standards ang pakahulugan at pagtrato sa preferred stocks sa lahat ng mga korporasyon at kumpanya.

[3] Growth Stocks. Base mismo sa termino, nangangahulugan ang growth stocks ng napakalaking potensyal na lumago (price appreciation), at ang paglagong ito ay mas mabilis sa ekonomiya o sa stock market mismo. Binibili sila para sa pang-matagalang investment dahil sa magandang rekord ng kita (record of earnings) at pag-asam na magkakaroon ng tuluy-tuloy na kita (gains) sa paglipas ng panahon.

[4] Blue-Chip Stocks. Tumutukoy ang blue-chip stocks sa mga sapi sa mga matatatag nang kumpanya mula sa iba’t ibang sektor. Madalas, sa mga kumpanyang ito nakabase ang tinatawag na stock market index.

Dahil nga matatatag na, kalimitan usad-pagong na sila pagdating sa price appreciation, subalit nangangako sila ng disente, steadily rising na dibidendo. Bukod pa dito, dahil mas mababa ang risks, sila ang karaniwang bilhin para sa retirement portfolio.

[5] Income Stocks. Kalimitan, sila ang mga galanteng namumudmod ng malalaking bahagi ng mga kita (minsan 50%, minsan 80%) sa pamamagitan ng regular na mga dibidendo. Kagaya din ng blue-chip stocks, sila ay sinansabing ‘more-mature’ at ‘slower-growing companies.’

[6] Cyclical Stocks. Kabilang sa uring ito ang stocks na ‘fluctuating’ ang galaw o madalas tumaas at madalas ring bumaba ang mga presyo. Maaring sanhi ang mga galaw ng mga seasonal na serbiyo at produckto ng mga kumpanya. Gayunpaman, madalas silang sabayan ng mga trader para sa malakihang kita sa loob ng kaunting panahon.

[7] Defensive Stocks. Kabaliktaran naman sila ng cyclical stocks. Sinasabing ang defensive stocks ay ‘theoretically insulated’ mula sa business cycle dahil sila ang stocks ng mga kumpanyang nagma-manufacture at nagbibigay ng mga produkto at serbisyong kinakailangan ng halos lahat ng tao sa buong taon o panahon.

[8] Value Stocks. Sa pamilihan ng mga sapi, may stocks na ‘underpriced’ o mas mababa ang kasalukuyang halaga kung ihahambing sa aktuwal na book value. Sinasabi rin na sila ang stocks na nagtataglay ng ‘good health.’

[9] Speculative Stocks. Sa totoo lang, sila ang mga magagalaw na uri ng stocks sa pamilihan. Madalas silang i-trade sa pang-araw-araw na kalakaran dahil sa mga pangakong pansamantala gaya ng imminent technological breakthrough o bagong brilliant chief executive. Dahil masyadong mataas ang risk dito, karaniwan ay mga eksperto sa kalakaran ang mga bumibili at nagbebenta ng speculative stocks. Malimit na ma-hype ang speculative stocks dahil sa mga mababangong balita o forecast.

Maiging malaman ang iba’t ibang uri ng stocks sa pamilihan upang mapag-desisyunan nang maayos ang gagawing trading o investment. Nakasalalay sa kaalaman at kalinawan ng mga bagay-bagay ang pagkakaroon ng matagumpay na pagpaplanong pang-pinansyal.

Be the first to comment

Share Your Thoughts!

Your email address will not be published.


*