
Kasalukuyan, napakaraming iba’t ibang produktong-pampinansyal ang nagsulputan sa merkado mula sa mga seguro (insurance) hanggang sa forex at MLM (multi-level marketing) formats ng pamuhunan. Dahil dito, marami ang nae-engganyo na subukang i-diversify ang investment portfolios. Sa kabila ng mga ito, ang katanungan hinggil sa kung anong investment ang nararapat sa kasalukuyang estado ng buhay at edad ay isang malaking isyu o paksa. Maaring isaalang-alang ang mga produktong pinansyal na aking tatalakayin:
Mga Bata at Mag-aaral. Kadalasan, nanggagaling ang kanilang income sa allowance, maaring mula sa scholarship o sa mga magulang. Minsan, malalaking halaga rin ng salapi ang kanilang nalilikom tuwing pasko o espesyal na okasyon. Para sa mga nasa yugtong ito, maaring humingi ng tulong o gabay sa mga magulang o nakatatanda upang makapagbukas ng savings account sa bangko.
Malaking bahagi ang ginagampanan ng mga magulang upang masimulan ng mga nakababatang miyembro ng pamilya ang pagpaplanong-pampinansyal. Katunayan, marami-rami na rin sa kanila ang nagbubukas ng mga in-trust accounts sa bangko o stock brokerage para sa mga anak. Bukod pa dito, malaki ang maitutulong ng bukas na pangangaral hinggil sa paggasta at pagbadyet sa pananaw hinggil sa pera at investments.
Bahagi ng Workforce. Sa yugtong ito ganap na produktibo ang isang tao — naghahanap-buhay upang kumita. Bukod sa kinikita mula sa trabaho, maaring subukan ang ibang panggagalingan ng passive income at investments gaya ng life and health insurance, mutual funds, UITF o Unit Investment Trust Fund, stock market investments, at iba pang mumunting negosyo gaya ng online selling, blogging, legit na networking at iba pang sidelines.
Mainan din sa yugtong ito na palaguin ang lagak-pangkagipitan o emergency fund. Habang lumalaki na at masasabing stable na ang kita, ang savings, at diversified na ang investment portfolio, maaari na ring simulan ang paglalaan para sa pinapangarap na lupa at bahay at iba pang real estate investments. Kapag nahihirapang magplano hinggil dito, maaring humingi ng tulong sa mga registered financial planners.
Paglagay sa Tahimik. Nagsisimula ang yugtong ito sa pag-aasawa hanggang sa pagreretiro at kamatayan. Siyempre, hindi na sarili lamang ang iniisip sa pagpaplanong-pampinasyal kundi kasama na ang asawa, mga anak, pati na rin ang maiiwang henerasyon (kadalasan, iniisip ng mga tumatanda ang kanilang maiiwang pamana o legacy). Dahil dito, nararapat lamang na mapaghandaan ang yugtong ito nang lubusan.
Kasama sa mga produktong mapagpipilian ang: life at health insurance, loans, mortgage, stock investments, credit cards, educational plans, real estate investments, pension at retirement funds.
Sa kabuuan, naglipana ang napakaraming produktong-pampinansyal sa merkado ngunit mas maiging maunawaan kung alin-alin ang nararapat na meron ka batay sa estado ng buhay at edad. Bukod dito, napakarami pang ibang salik na dapat isaalang-alang upang magkaroon ng kapanatagan ng isipan at estado pagdating sa pagpaplanong-pampinansyal.
Be the first to comment