Iba’t ibang Investment Instruments sa Pilipinas

Portfolio of Investment Instruments

Upang maisakatuparan nang mas maayos, mas sigurado (tipong may mas maidudulot na kapanatagan ng kalooban at isipan), at mas diversified ang pamuhunan o investment, makabubuting alamin at pag-aralan ang iba’t ibang investment instruments na available sa merkado.

Katunayan, maaari mong simulan ang pagbabasa sa lathalaing Iba’t ibang Produktong Pampinansyal sa Merkado upang malaman ang mga nababagay sa edad at estado sa buhay.

Narito ang paunang listahan ng iba’t ibang investment instruments sa Pilipinas na sadyang ipinangkat o inayos batay sa posibleng mga kategorya.

Cash Equivalents and Alternatives

[1] Savings Accounts. Hindi man ganap na investment dahil sa napakaliit na interest rates, masasabi namang pinakaligtas na paglagakan ng pera o ipon. Bukod dito, madali pang mahuhugot ang pondo at ang ilan ay may katumbas na seguro o insurance (maliban sa karaniwang PDIC, o Philippine Deposit Insurance Corporation, insurance).

Ang saving ay ang pagtatabi ng pera paunti-unti. Karaniwan tayo ay nag-iimpok gamit ang alkansiya at nagbubukas ng savings account sa bangko upang makapagtabi ng labis (o sadyang inilaan para rito) sa ating gastos upang mapaghandaan ang mga pagkakagastahang okasyon, nagbabadyang kagipitan, at iba pang plano sa hinaharap.Maaari ring basahin ang ilan sa mga kaugnay na lathalain:

[2] Venture Capital. Kasama sa uring ito ang kapital o perang ipinapahiram o ipinapagamit sa ibang tao o kaanak upang makapagsimula o makapagtayo sila ng simpleng negosyo, kasabay ng paghahangad na kikita at makatatanggap ng returns o tubo.

Ngayon, kung ang venture capitalist ay naging partner o ganap na kasosyo sa negosyo, ang pamuhunan ay maaari nang ituring na ownership investment, tutal nagkakaroon na ng karapatan sa equities, mga usapin, at desisyon hinggil sa pagpapatakbo nito. Idagdag pa, kung ang kapital ay sadyang ipinapautang, maaaring ituring ito na lending investment.

[3] Commodities. Kung minsan, ang mga pisikal na kalakal o commodities gaya ng bari-bariles na langis, sako-sakong bigas at coffee beans, atbp ay maaaring ituring na cash alternative investments. Ang maramihang pagbili, lalo na ang pag-aangkat sa ibang lugar o bansa, ay karaniwang sumasailalim sa espesyal na mga proseso, buwis at kontrata. Gayunpaman, kung may katiyakan ang kita, maituturing din na magandang pamuhunan.

[4] Precious Items, Metals, and Collectibles. Maaari ring ihanay ang mga mahahalagang metal at alahas gaya ng ginto at brilyante, koleksyon gaya ng pinta at iskultura, at iba pang mga antigong koleksyon, bilang ownership investments. Ngunit dahil maaari ring ituring ang mga ito na kapalit o alternatibo sa ilang investment instruments gaya ng stocks at bonds kung kaya’t maisasama kahit papaano sa kategorya.

Ownership Investments

[5] Stocks. Katumbas ng pagbili ng shares of stocks o mga sapi ang mga karapatan tungkol sa pagmamay-ari ng bahagi ng kompanya. Sa puntong ito, kapagka maganda ang kita at pagganap o galaw ng stocks ng kompanya sa merkado, maaaring makatanggap ng mga dibidendo at pagtaas sa presyo para sa kalakalan (stock trading). Sa kabilang banda, sakaling negatibo ang pagganap ng kompanya at stocks nito, o kung tuluyang mabangkarote, maaaring malugi o tuluyang mawala ang ipinamuhunang kapital. Kaakibat ng malaking panganib o risk ang posibilidad na kumita nang malaki.

Sa maikling sabi, may dalawang pangunahing paraan upang kumita sa stock investment: mga dibidendo (dividends) at pagtaas ng presyo (price appreciation). Ang dividends ay bahagi mo bilang shareholder sa kita ng kumpanya. Halimbawa, may isang libo kang shares ng BDO stocks. Sa pagi-issue nito ng P1.00 per share na dividend, makakakuha ka ng isang libong piso. Pero siyempre, may kaunting bawas ang aktuwal na halaga dahil sa tax at broker’s fee.

Ikalawa, ang price appreciation naman ay ang pagtaas ng halaga ng stocks. Habang lumalago ang kumpanya, nae-engganyo ang mga mamumuhunan na bumili at bumili pa ng stocks nito kung kaya’t natutulak pataas ang presyo. Ngayon, kapagka ibenenta mo ang shares na hawak mo sa mas mataas na presyo kung ihahambing sa presyo nito noong nabili mo, edi siyempre, kumita ka. Maaari ring basahin ang ilan sa mga kaugnay na lathalain:

[6] Real Estate. Nagiging pamuhunan o investment ang real estate, kasama halimbawa ang bahay, lote, condominium unit, atbp, kapag matapos mabili o maari ay ipaparenta o ire-resell. Katunayan, maaari rin itong ihanay sa alternative investments. Sa puntong ito, hindi maituturing na ganap na investment ang isang hinuhulugang bahay at lupa kung ito ay nakatakda lamang na tirahan ng pamilya.

[7] Precious Items, Metals, and Collectibles. Kung ang pagmamay-ari ng mga mahahalagang metal, mga sining, at koleksyon ay kalakip ng layunin o intensyong iresell o ibenta muli ang mga ito sa hinaharap sa paghahangad na kikita nang malaki, maituturing ang mga ito na ownership investments.

[8] Business. Isa pang pangunahing ownership investment ang paglalaan ng kapital sa negosyo o kahit maging pagsisimula pa lamang para rito.

Lending Instruments

[9] Bonds. Ang bond ay isang sertipiko o katibayan ng pagkakautang o bayarin na iniisyu ng gobyerno o kompanya kaakibat ng pangako sa pagbabayad ng katumbas na halaga nito sa hinaharap, at ng pihong (fixed) antas ng interes o tubo. May dalawang pangunahing uri ng bonds: ang corporate at government bonds. Ang mga termino o pagkakabisa ng mga bond ay maaaring tumagal nang ilang buwan hanggang tatlumpong taon.

Idagdag pa, maaaring ikalakal ang bond sa merkado, at kinikilalang mas ligtas kung ihahambing sa stocks. Ito ay dahil prayoridad na bayaran ng kompanya ang bondholders kaysa sa stockholders sakaling mabangkarote ito. Maaari ring basahin ang kaugnay na lathalain:

[10] CDs or Certificates of Deposits. Bilang espesyal o hindi pangkaraniwang uri ng deposit products, nagbibigay ang CDs ng mas mataaas di-hamak na interest rates kung ihahambing sa regular na savings accounts. Kagaya ng savings account, sumasailalim din ang mga ito sa PDIC insurance. Subalit, kaakibat ng pamuhunang ito ang pagpapanatili ng pondo sa itinakdang termino. Kalimitan, kung mas matagal ang termino, mas malaki ang ipinapangakong interes o tubo. Gauynpaman, kung mas maagang huhugutin ang kapital, may katumbas ang mga ito na multa o early redemption fees.

[11] Savings Accounts. Kasama rin sa kategoryang lending investments ang savings accounts dahil kahit papaano, hinahayaang gamitin ng depositor ang kapital o lagak sa pagpapautang ng bangko o iba pang programang pinansyal nito.

Funds

[12] Mutual Funds. Tumutukoy ang mutual fund sa pinagsama-samang investment capital mula sa napakaraming mamumuhunan na nagtataglay ng iba’t ibang katangian (gaya ng risk tolerance), investment goals (short-term at long-term), at kakayanang pampinansyal. Ipinamamahagi ang pamuhunan sa iba’t ibang uri ng investment securities gaya ng stocks (narito ang link tungkol sa stocks), government bonds, at debt instruments.

Bilang investment capital, ito ay pinangangasiwaan ng isa o maraming fund managers. Ang fund manager, bilang eksperto rito, ang bahalang namamahala sa pagpapalago ng pamuhunan sa itinalagang investment portfolio. Dahil dito, tumatanggap sila ng bayad-serbisyo na katumbas ng tiyak na bahagdan o percentage ng pondo o kita nito.

Sa mutual fund, may tinatawag na NAVPS o ang net asset value per share na kumakatawan sa presyo ng bawat share sa pondo. Ang mga transaksyon gaya ng pagbili at pagbenta ng shares ay ibinabatay sa NAVPS, na pabago-bago (ng presyo) sa bawat araw depende sa market performance ng isang pondo.

Kung ang NAVPS ay tuluyang lumago o may appreciation na nangyari, maaaring ibenta ang shares upang maging ganap ang kita o realized profit. Sa kabilang banda, kapag bumaba ang NAVPS o may depreciation, maaaring malugi sakaling subuking tubusin o i-redeem ang kapital. Maaari ring basahin ang kaugnay na lathalain:

[13] Annuities. Annuities ang katawagan sa mga kontrata-pinansyal na karaniwang ibinebenta ng mga kompanya ng seguro o insurance company na idinisenyo upang makapagbigay ng matatag at tuluy-tuloy na pagpasok ng pera (steady cashflow), karaniwan ay sa panahon ng pagreretiro. Ang mga kita sa pamuhunang ito ay hindi maaaring tubusin o kunin nang walang katumbas na multa o penalty hanggang umabot sa nakasaad na edad sa kontrata.

Dahil ligtas kahit paano ang pamuhunan at madalas nga ay may kaakibat na special death benefits, may kaliitan ang ipinapangakong paglago ng kapital na inilalagak sa annuities. Kasama sa mga halimbawa ng annuities ang mga pensyon at social securities na nakapagbibigay ng garantisadong daloy ng pera sa panahon ng pagreretiro. Maaari ring basahin ang ilan sa mga kaugnay na lathalain:

[14] Others Like Index, Exchange Traded, and Hedge Funds. Kung may nakaligtaan akong isama sa listahan ng iba’t ibang investment instruments sa Pilipinas, maaari itong ikomento sa ibaba upang masuri at mapag-aralan ko upang maidagdag rito.

Be the first to comment

Share Your Thoughts!

Your email address will not be published.


*