
Ilang araw na lang ang bibilangin, at opisyal nang idideklara ng DOST-PAGASA ang pagpasok ng summer 2017 sa Pilipinas, o marahil, habang binabasa mo ito, may kung anong matinding pagkauhaw na naghahanap ka ng nagyeyelong halu-halo. Mainit na summer 2017 kaibigan!
Bakit nga ba espesyal ang summer sa maraming Pilipino? Siguro, dahil walang pasok sa eskwela o kalimitan nagkakaroon ng sama-samang bakasyon (kahit isa o iilang araw lamang) ang mga magkakaibigan, magkakamag-anak, magkakatrabaho, at magkakasintahan. Ngunit sa iilan marahil, kagaya ko, espesyal ito dahil nagkakaroon ng pagkakataong maisingit ang iba pang mga kapaki-pakinabang na bagay.
Sa ibang walang mapagkaabalahan o wala pang plano ngayong summer 2017, makatutulong ang ilan sa mga sumusunod:
[1] Maglinis ng Bahay. Makabubuting simulan na ito habang hindi pa tuluyang pumapasok ang tag-init (para hindi ka na gaanong maglimahid). Makabubuting maging malinis at maaliwalas ang tirahan dahil maaaring maging mas madalas ang ilalagi mo rito ngayon. Isa pa, makakapag-isip at makakapagplano ka nang maayos kapag walang alikabok at mga kalat sa paligid.
[2] Magpahinga at Matulog sa Tamang Oras. Maaaring magkaroon ka ng maraming araw at gabi upang matulog at makapagpahinga. Samantalahin ang bakasyon upang tuluyang makapag-recharge ang katawan. I-kondisyon ang sistema sa pamamagitan ng pagtulog at paggising nang maaga. Bukod dito, subukan mo ring maghanda ng masusustansiyang pagkain, at sumaglit sa gym o mag-jogging para makapag-ehersisyo at magpalakas.
[3] Magdagdag Kaalaman. Estudyante ka man o hindi, makabubuting magdagdag kaalaman tungkol sa kahit anong bagay. Kung investment (alamin kung bakit kailangang mag-invest) ang matagal mo nang gustong pasukin, gawin ngayong bakasyon ang pagbabasa-basa ng articles sa mga financial literacy sites (ginawan kita ng listahan sa link na ito List of Financial Literacy Sites in the Philippines). Magkakaroon ka na rin marahil ng oras upang maka-attend sa mga libreng financial literacy seminars.
[4] Maglaan ng Oras sa Pamilya. Halos lahat naman tayo ay nagpupursige sa buhay para sa pamilya kaya’t sikaping makapaglaan ng mahaba-habang panahon kasama ang mga mahal sa buhay ngayong summer 2017. Hindi naman kailangang gumastos nang malaki para rito. Ang simple ngunit masayang salu-salo at movie bonding ay makatutulong upang mas mapatibay pa ang relasyon sa bawat miyembro. Sulitin ang bakasyon lalo pa at walang pasok sa eskwela ang mga anak o nakababatang miyembro ng pamilya.
[5] Magbakasyon Saglit sa Probinsya. Bukod sa mabibisita na ang mga kamag-anak, magkakaroon ka pa ng pagkakataon upang tumakas sumandali sa mausok, maingay, at magulong mundo sa lunsod. Idagdag pa, maaari ka ring makakuha ng mga bagong ideya mula sa mga bagong makikilala at makakausap sa probinsya.
[6] Magsimula ng Personal na Proyekto. Sakaling matagal mo nang binabalak magkaroon ng blog (alamin kung paano gumawa ng sariling blog), magsulat ng nobela, sumali sa Palanca, manood ng ASAP o It’s Showtime, maghalamanan sa likod-bahay, o mag-bake ng cookies, gawin mo na ito (ang matagal mo nang naiisip na proyekto) ngayong bakasyon. Maaaring ngayon na ang tamang oras!
[7] Makilahok sa mga Organisasyon at Kawanggawa. Makisalamuha sa ibat’ ibang uri ng tao at organisasyong may makabuluhang hangarin. Sa tulong nito, maaaring magkaroon ng poistibong pananaw sa buhay. Subukan ring mag-volunteer, maging host ng programa sa barangay, maging summer teacher sa day care center, o tumulong sa feeding program ng isang non-government organization.
[8] Magplano sa Buhay. Subukang magmuni-muni habang nasa probinsya sa harap ng payapang dagat, habang nagsi-siesta, o habang ipinapasyal ang alagang aso sa labasan. Isipin ang tinatahak na karera at mga bagay-bagay sa hinaharap na kailangang paghandaan.
Ikaw, anong balak mo ngayong summer 2017?
Bukas ang comment section upang mag-iwan ka ng kaunting payo o suhestiyon kung paano maging kapaki-pakinabang ang paparating na summer 2017. Kung iyong nanaisin, idadagdag ko mismo ito bilang aytem sa aking nagawang checklist (siyempre, kasama ang iyong pangalan). Ayos ba?
Be the first to comment