Gabay sa Pagbubukas ng Savings Account

Gabay sa Pagbubukas ng Savings Account

Tutulungan kita ngayon sa iyong pinaplanong pagbubukas ng savings account (opening a savings account) sa bangko.

Iisa-isahin ko ang mga pangunahing salik o bagay na dapat isaalang-alang sa pagbubukas ng savings account. Ngunit bago iyan, tukuyin muna natin ang kalagayan ng pagbabangko sa Pilipinas. Ilang porsyento na ba ng ating populasyon ang mayroong savings accounts?

Ayon sa ginawang pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dalawang taon na ang nakalilipas, higit sa 80% ng kabuuang bilang ng households sa Pilipinas ay walang bank accounts. Mula rito, mahihinuha na 2 sa 10 households ang naglalagak ng ipon sa mga bangko.

Siyempre, sa nakalipas na isa o dalawang taon, nagkaroon ng kaunting improvement, at base sa mga kamakailang datos, tinatayang nasa 3 hanggang 4 sa bawat 10 households na ang nagtitiwala sa mga institusyong pampinansyal gaya ng mga bangko, subalit hindi pa rin maikakaila na nahuhuli pa rin ang Pilipinas kung ikukumpara sa ibang mga papaunlad na bansa.

Ano nga ba ang kaisipan ng maraming mga Pilipino tungkol sa pagbabangko? Bakit ba mukhang napakahirap para sa karamihan ang pagbubukas ng savings account?

Katunayan, ang pagbubukas ng savings account ay maaaring maisakatuparan sa loob lamang ng tatlumpung minuto hanggang isang oras (base sa napakarami kong karanasan), subalit mas mahaba-haba ang panahong gugugulin upang lubusang maunawaan ang konsepto ng paglalagak at pagpapalago (kung meron nga) ng ipon sa isang savings account. Isama na rito ang matagumpay na pagpaplananong pampinansyal na maaaring maging mas episyente sa pamamagitan ng pagbubukas ng savings account at pangangasiwa nito. Narito ang mga dapat isaalang-alang:

[1] Layunin (Goal). Tanungin muna ang sarili. Para saan nga ba ang pagbubukas ng savings account? Napakaraming mga dahilan o layunin kung bakit naiisip ng isang tao, gaya mo ngayon, ang pagbubukas ng savings account, maaaring dahil sa usapin sa seguridad ng hawak-hawak na pera, easy access sa pondo, pagpapalago ng lagak-pangkagipitan o emergency fund, pag-iipon para sa negosyo at mga bagay na inaasam bilhin, o dahil gusto lamang ma-experience ang pagbabangko. Ilan lamang ito sa mga maaaring maging dahilan, ngunit kung susumahin dalawa lamang ang magiging kategorya — short term o long term savings.

Isiping maigi ang layunin dahil dito nakasalalay ang mga susunod na hakbang gaya na lamang ng pagpili ng pagkakatiwalaang bangko at ng magiging uri ng savings account.

[2] Panggagalingan ng Pondo (Source of Fund). Ikalawang katanungan, saan manggagaling ang perang ilalagak sa savings account? Siyempre, kalimitan, sa naitatabi mula sa sahod sa pagtatrabaho at maging kita sa negosyo. Maaari ring mula sa allowance at scholarship (para sa mga nag-aaral pa), sa buwanang pension (ng mga retiree), atbp.

Sa kabuuan, makatutulong ang bagay na ito sa pagpapasya hinggil sa angkop na savings account o product at mga kalakip na serbisyo.

[3] Angkop na Account (Appropriate Savings Product). Ano ba ang mga katangian mo bilang isang depositor? Kung ikaw ay konserbatibo at nai-inspire ka kapag nakikita mo ang aktuwal na halaga o figures, maaari mong subukan ang mga produktong nagpapahintulot ng pagkakaroon ng bankbook o passbook. Sa kabilang banda, kung mas gusto mo namang nagagamit paminsan-minsan ang savings sa pago-online shopping halimbawa, may savings products na may kalakip na debit cards.

[4] Kapasidad (Meeting Required Minimum Balance). Magkano ang kaya mong ipasok na pera sa iyong pagbubukas ng savings account? Magkano sa tingin mo ang maaaring manatili sa account na hindi mo magagalaw?

Tandaan na kahit pa sabihin mong savings account at paglalagak ng pera ang layunin, may mga pagkakataong hindi maiiwasan na mag-withdraw ng malalaking halaga, kung kaya’t makabubuting magsimula sa savings products na wala o zero hanggang sa maliliit, siguro P500.00 o P1,000.00, ang monthly maintaining balance.

[5] Interes at Bayad-Serbisyo (Interest Rates and Service Fees). Kung tiyak at tuluyang pagpapalago ng ipon mula sa mga interes ang iyong layunin, sinasabi ko sa iyo, hindi makabubuting umasa sa pagbabangko. Subalit sa kabila nito, ipinapayo pa rin ang pagbubukas ng savings account dahil sa napakaraming kapakinabangan. Siyempre!

Masyadong mababa ang mga interes na ipinapangako ng halos lahat ng bangko sa Pilipinas, na pumapalo lamang sa 0.25% hanggang 1.00% (per annum). Bukod dito, ang interes ay papatawan pa ng 20% na withholding tax (itinakda ng gobyerno).

Halimbawa, meron kang P10,000.00 na ipon sa interest rate na 0.25%. Sa karaniwang pagtutuos: 10,000 x 0.0025 = 25. Ngayon ikakaltas ang withholding tax na 20%, ang kalalabasan ay: 25 – (25 x 0.20) = P20. Biruin mo, P20.00 lamang (actually hindi sa isang buwan, kundi sa isang buong taon) ang kinikita ng iyong P10,000.00 (tandaan, maaari ring idepende ang pagko-compute sa daily average balance).

Para lalo mo pang maunawaan:

Daily Interest Rate = 0.25% annual interest divided by 360 days = 0.00000694

1 Month Gross Interest = 10,000 [balance] x 0.00000694 [interest rate] x 31 [days in a month] = 2.15

1 Month Net Interest = 2.15 [gross interest] – (2.15 x 20%) [withholding tax rate]

1 Month Net Interest = P1.72. Oo, eto lang talaga ang kita ng pera mo sa isang buwan. Maaari kang magtanong sa bangko tungkol dito.

Bukod sa withholding tax na hinihingi ng gobyerno, maaari ring patawan ng extra penalty charges ang iyong savings account sakaling bumaba ito sa required monthly maintaining balance. Dahil dito, sikaping bisitahin ang mga website ng mga bangko upang malaman ang mga impormasyon hinggil sa interest rates at maintaining balance.

[6] Kombenyensya at Bilis ng Transaksyon (Convenience). Mainipin ka ba? Gusto mo bang nakaupo habang nasa pila upang magdeposito (hal., walang mga upuan sa mga branch ng BDO)?

Kasama sa dapat isaalang-alang sa pagbubukas ng savings account ang kalapitan o proximity ng branch ng bangko, oras at araw (halimabawa, bukas ang BDO branches sa mga mall kahit weekends) ng pagbubukas, online banking, payment facilities, at pati ibang pang mga serbisyo gaya ng stock investment accounts at mutual funds (online account features).

[7] Seguridad (PDIC Insurance and Security). Gaano katatag ang pagkakatiwalaang bangko? Siyempre, hindi natin nanaisin na minsan paggising natin bigla na lang nabangkarote ang bangko at tuluyang magsara. Doon na tayo sa subok na at matatag na sa paglipas ng mga dekada.

Idagdag pa, siguraduhing may PDIC insurance ang bangko sa lahat ng depositor, na kung sakali ngang magkaletse-letse na, mahahabol pa rin natin ang ating pinagpaguran.

[8] Kalidad ng Serbisyo (Customer Service). Sa ngayon, mahirap pa marahil na matukoy ang mga bangko na may mga masusungit na guwardiya at empleyado. Subukan mong pumunta sa branch ng bangkong naiisip mo matapos mabasa ang mga nauna sa listahan, at simulan ang pagtatanong tungkol sa savings products. Sa pamamagitan nito, marahil, mae-experience mo ang kanilang customer service.

Handa ka na siguro sa pagbubukas ng savings account. Silipin mo na ang websites ng mga pangunahing bangko sa Pilipinas gaya ng BDO, BPI, Metrobank, PS Bank, Security Bank, atbp., at suriin ang savings o deposit products, pati na ang mga kakailanganing dokumento upang makapagbukas.

Nakatulong ba ako? Kung may iba ka pang katanungan o suhestiyon hinggil sa pagbubukas ng savings account, sadyang inilaan ang comment section sa ibaba upang maiparating ang mga ito sa akin.

Be the first to comment

Share Your Thoughts!

Your email address will not be published.


*