Bakit Pabago-bago (tumataas at bumabagsak) ang Presyo ng Stocks?

Presyo ng Stocks

Marahil, ikaw ay isang baguhang stock investor o trader kung kaya’t naghahanap ka ng konkretong kasagutan kung bakit ba nag-iiba-iba, minsan tumataas at minsan bumabagsak,  pabago-bago, o fluctuating ang mga presyo ng stocks sa stock market. Maaaring tagumpay ka sa layon mo dahil susubukan ko ngayong magbigay ng batayang (basic) kasagutan. Handa ka na ba? (Kung hindi pa, mainam din na basahin mo muna ito: Stock Market: Scam o Hindi?)

Tulad ng isang ordinaryong pamilihan o palengke, ang stock market ay isa ring lugar kung saan nagkakaroon ng tawaran (bidding) sa pagitan ng mga tagapagtinda (seller) at mga mamimili (buyer) base sa batas ng supply at demand, o ang direktang pwersa na nakakaapekto sa taas-babang galaw ng presyo (price) ng mga kalakal (stocks) sa stock market.

Batay sa batas ng supply at demand:

kung mas marami ang bilang ng mga may gustong bumili (demand) ng isang partikular na stock kaysa sa bilang ng mga nagnanais magbenta (supply), tumataas ang presyo (stock price) nito. Sa kabilang banda, kung mas marami ang nais magbenta kaysa sa bumibili, o mas malaki ang supply kaysa sa demand, bumabagsak o bumababa ang presyo nito.

Halimbawa, para mas madali mong maunawaan, dalawa kayo ng kumare mo na pumunta sa prutasan sa palengke. Panahon ng mangga at sa lahat ng fruit stand ay may ibinebentang ganito. Habang kayo ay dumaraan, kanya-kanyang tawad-benta ang mga tindera sa mabababang mga presyo (P20, P18, at P16 bawat kilo), hanggang tuluyan ngang may nagbenta ng P10 bawat kilo (dahil mas malaki ang supply ng mangga kaysa sa demand, bumaba ang presyo nito).

Subalit ang hinahanap ninyo parehas ay langka, at isang stand lamang ang nakita ninyong meron. Hindi kayo nagkaintindihan ng kumare mo kung sino ba talaga ang nauna o ang may karapatang bilhin ito, at nauwi nga sa bidding. Sinubukan mong kumbinsihin ang tindera na ibenta sa iyo ng P100, subalit tinapatan ito ng iyong kumare sa halagang P120, at nabili nga. Lingid sa inyong kaalaman, may isa pa palang nagbebenta ng langka  sa di-kalayuan, at nakabalita na may mga naghahanap, kung kaya’t itinaas nito bigla ang presyo (dahil mas malaki ang demand kaysa sa supply, tumaas ang presyo ng langka).

Marahil, nakuha mo nga ang ibig kong ipanunawa. Madali lamang intindihin ang batas ng supply at demand, pero dahil ibang lebel ang stock market, na kung saan ang kalakalan ay aktibo sa bawat segundo at minuto, medyo komplikado ang nangyayaring tawaran o bidding rito.

Isang pangunahing nakakaapekto sa tawaran sa presyo ng stocks ang mga pahayag o balita (halimbawa, mga report hinggil sa kita o pagkakautang, itinutulak na expansion at mga proyekto, atbp.) na maaaring positibo o negatibo sa kompanya, at higit sa lahat sa pananaw ng mga mamumuhunan o investors. Dahil dito, hindi natin masasabi na ang kasalukuyang presyo ng stock sa merkado (na siya ring basehan ng current value ng kompanya) ay ang tunay at ganap na halaga nito (kung kaya’t kailangan mong alamin ang book value, pati na ang iba pang mga sukatan ng halaga). Idagdag pa, ang kasalukuyang presyo ay hindi lamang sumasalamin sa halaga ng stock batay sa pananaw ng investor kundi, maaari ring sa inaasahang paglago nito sa hinaharap.

Sa kabuuan, napakarami pang mga salik ang tuwiran at di-tuwirang nakakaapekto sa pabago-bagong presyo ng mga sapi sa merkado. Sabi ng nakararami, walang nakakaalam at makakaalam kung kailan tiyak na tataas at babagsak ang mga presyo ng stocks, subalit may iilang naniniwalang ang pagsusuri sa mga chart at historical patterns ng mga presyo ay makapagpapahiwatig kung kailan dapat bumili at magbenta (Alamin ang mga kamalian ng stock investors).

Be the first to comment

Share Your Thoughts!

Your email address will not be published.


*