
Sobrang dami na ng investment instruments ngayon. Katunayan, hindi na malaking problema ang paghahanap ng maaaring pamuhunan o paglagakan ng pera upang lumago sa paglipas ng panahon. (Maaaring basahin: Iba’t ibang Investment Instruments sa Pilipinas.)
Subalit nananatiling malaking isyu para sa nakararami ang kaangkupan at kahigtan ng mga nasabing instruments. Sa puntong ito, iisa-isahin at susuriin ko ang mga kapakinabangan ng pamumuhunan sa isa sa pinakapatok sa merkado para sa maraming young professionals —- ang stock market.
Sinasabing magandang mag-invest sa stock market. Halos lahat naman marahil ng investment instruments ay nangangako ng seguridad, paglago ng kapital, atbp., ngunit ang stock market ay sadyang komplikado kung kaya’t marami ang nananatiling sarado pa rin sa mga usapin tungkol dito.
[1] Aktibong Pakikibahagi sa Paglago ng Ekonomiya. Katumbas ng aktibong pakikilahok sa kalakalan sa stock market at pag-alam sa maraming mahahalagang impormasyon at isyu ang pagiging bahagi ng kabuuang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Nakakalungkot isipin na isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaliit na bahagi ng populasyong namumuhunan sa stock market. Kalakip nito ang katotohanang iilan lamang ang interesado at nakikinabang, sa pamamagitan ng pakikipamuhunan, sa paglago ng mga malalaking kompanya, maging ng ekonomiya.
Maaaring isang sangay lamang ng kabuuang ekonomiya ang stock market subalit ang pagiging bahagi nito bilang traders at investors ay pagsasakatuparan ng makahulugang tungkulin bilang kabahagi ng papaunlad na lipunan.
[2] Paglago ng Kapital sa Paglipas ng Panahon. Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit magandang mag-invest sa stock market ay ang ipinapangako nitong kita o paglago ng kapital sa paglipas ng panahon, o yaong tinatawag na long term investment returns.
Batay sa mga pangkasaysayang datos, iminumungkahi ng nakararaming financial gurus ang matagal (higit sa limang taon) na paglalagak ng pamuhunang kapital sa stock market. Siyempre, kasama sa payong ito ang maayos na distribusyon ng kapital sa mga pinagkakatiwalaang kompanya at korporasyon.
Marami ang nalulugi sa stock market dahil sa pagiging gahaman at baluktot na kaisipan tungkol sa pamumuhunan. Karaniwan, sila ang mga day trader na madalas makipagsapalaran sa volatility ng merkado.
[3] Paghahanda sa Pagreretiro. Sa nakaraang lathalain, 15 Hadlang sa Pagyaman at Pag-asenso, natalakay ang kawalan ng maraming Pilipino ng paghahanda para sa pagreretiro na nagdudulot ng problema sa pagpaplanong pampinansyal ng mga mas nakababata sa lipunan.
Dahil mas inaasahan ang paglago ng pamuhunan sa pangmatagalang paglalagak, sinasabing angkop ang stock investment sa paghahanda at paglalaan ng salapi para sa pagreretiro.
[4] Karagdagang Kita. Kung ikukumpara sa ordinaryong savings account, mas magandang mag-invest sa stock market dahil sa di-hamak na mas malaking dibidendo o tubo sa pamuhunan.
Iminumungkahing matapos mabuno ang lagak-pangkagipitan o emergency fund (maaaring basahin: Usapang Lagak-Pangkagipitan o Emergency Fund), ilagak ang iba pang pera sa mga pamuhunan. Isa sa mga ito ang stock market investment na kahit papaano ay nangangako ng disenteng dibedendo.
[5] Pantapat sa Mabilis na Inflation. Batay sa mga rekord, humigit-kumulang na 10% ang average annual returns ng karaniwang stock investment. Kung susuriin mas mataas ito di-hamak sa average annual inflation rate na 3-4%.
[6] Mabilis na Transaksyon at Liquidity. Sa stock market, milyun-milyong (kundi man, bilyun-bilyon) shares o mga sapi ang ikinakalakal sa loob lamang ng isang araw na bukas ang merkado. Kasabay ng malaking bolyum ang pabago-bagong presyo ng mga sapi. (Maaaring basahin: Bakit Pabago-bago (Minsan Tumataas, Minsan Bumabagsak) ang Presyo ng Stocks)
Dahil sa kalikasang ito, isang volatile na merkado ang stock market. Mabilis makabili at makabenta ng malalaking bolyum ng mga sapi. Idagdag pa, dahil sa modernong teknolohiya, mabilis na ang nagiging palitan ng mga sapi sa cash.
[7] Lehitimo at Garantisadong Regulatory Framework. Hindi scam o fly-by-night na negosyo ang stock market. Lahat ng mga transaksyon, pagbili at pagbenta ng shares, pagpasok ng mga bagong kompanya sa pamamagitan ng IPO at delisting, atbp., ay lehitimong pinangangasiwaan ng regulatory organization sa tulong ng mga batas at saligan. (Maaaring basahin: Stock Market: Scam o Hindi?)
Sa Pilipinas, ang Philippine Stock Exchange o PSE ay ginawaran ng Securities and Exchange Commission (SEC) ng Self-Regulatory Organization (SRO) status noong 1998. Nangangahulugan ito ng pagkakaloob ng tiwala sa sariling pagsasakatuparan ng mga programa, panuntunan, at pagpapataw ng mga multa sa mga paglabag, nang sa kabuuan ay maging mas maayos at makatarungan ang mga transaksyon.
Sa madaling sabi, ligtas at protektado ang mga mamumuhunan sa stock market. Gayunpaman, makabubuting alamin din ang mga karapatan at pananagutan sa pagpasok sa kalakalan dito.
[8] Ganap na Kontrol sa Investment Account. Taliwas sa ibang tradisyunal na pamuhunan, ang stock investment ay maaaring maisakatuparan sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang online account.
Sa tulong ng teknolohiya, ang isang investor ay magkakaroon ng ganap na kontrol sa kanyang stock investment account kasama na rito ang deposits at withdrawals, pagbili at pagbenta ng shares, at maging pagli-link ng bank accounts dito.
[9] Pagkatuto sa Karanasan at Pagkakamali. Sinasabing ‘aral muna bago invest.’ Totoo naman. Mainam na matutunan muna ang mga batayan at mahahalagang bagay tungkol sa stock investment bago pumasok rito.
Subalit hindi na ngayon nauuso ang theory-based learning. Mas mabilis at mas natututo ang isang tao kung may tuwiran at praktikal siyang karanasan. Mas makabubuti ring maranasan mismo ang aktuwal na transaksyon, kasama siyempre ang pagkakamali sa pagbili at pagbenta ng shares.
Halos lahat ng mga matatagumpay na stock investor o maging trader ay nagsimula rin sa pagkagulumihanan at kawalan ng matinong diskarte subalit sa dedikasyon sa pag-aaral at pagbabasa-basa ng mga makabuluhang artikulo at mga aklat tungkol sa stock market investment kung kaya’t napagtagumpayan ang maraming bagay tungkol dito. (Maaaring basahin : 4 Na Kamalian ng Stock Investors.)
[10] Pribilehiyo Bilang Shareholder. Nangangahulugan ang pagiging shareholder nang pagiging kahati sa pagmamay-ari sa isang kompanya. Hindi man prayoridad ng nakararaming investors o shareholders ang mga nakalaang pribilehiyo, makabubuti ring malaman ang mga ito.
Kasama rito ang pagkakataong makilahok sa mga pagpapasya at pagpupulong, kapangyarihang magluklok ng mga opisyal, karapatang maglipat o magbenta ng mga pagmamay-aring shares sa iba, karapatang makatanggap ng dividends o kabahagi sa kita ng kompanya, access sa corporate books at records, atbp.
Gayunpaman, hindi absolute o lubos ang mga pribilehiyong nabanggit. Maraming mga salik ang dapat isaalang-alang kasama marahil ang bahagdan o porsyento ng pagmamay-ari, corporate policies, atbp.
[11] Makabuluhang Paggamit ng Oras at Internet. Hindi naman kailangang nakaharap ka sa computer screen mula 09:30 hanggang 3:30 nang hapon, Lunes hanggang Biyernes. Subalit dahil sa pagkawili kung kaya’t gawain ng mga baguhan sa investment na ito ang nakaabang palagi sa pagbabago-bago ng figures sa portfolio.
Karamihan sa atin ay nagbababad sa social media araw-araw, nagbabasa ng news feeds sa Facebook, nanonood ng videos sa YouTube, at nakiki-tweet sa mga artista sa Twitter. Kung tutuusin, walang kapakinabangan ang mga gawaing ito sa Internet.
Sa pagbubukas ng online stock investment account, maaaring magbago ang routine. Mas magiging makabuluhan ang mga talakayan sa Facebook sa pakikihalubilo sa iba pang stock investors sa sinalihang group o page. Makakasanayan ang pananaliksik tungkol sa mga isyu sa ekonomiya, at mabubuksan pa nang lubos ang kaisipan sa pamumuhunan.
[12] Mataas na Kalidad ng Pamuhunan. Astig maging stock investor. Nakakatawa man pero maaari mong sabihin sa kaibigan habang kumakain sa isang fast food chain o habang nagsho-shopping sa mall na shareholder ka ng mga higanteng kompanyang nagpapatakbo ng mga ito.
Totoo, kaiba sa pakiramdam maging bahagi (kahit iilang libong piso lamang ang kontribusyon mo) ng mga matatagumpay na kompanya. Nakakaengganyong tangkilikin ang mga produkto at serbisyo nila dahil ang paglago at pagyaman ay nangangahulugang paglago ng kapital sa pamuhunan.
Marahil sapat na ang mga dahilan sa tala upang masabing magandang mag-invest sa stock market. Gayunpaman, makabubuti pa ring personal na suriin ang kahigtan ng stock investment sa iba pang available na investment instruments sa merkado, pati na rin ang kaangkupan nito sa mga layunin at kasalukuyang kalagayan ng buhay-pinansyal.
Mag-invest sa Stock Market.
Be the first to comment