
Bakit nga ba kailangang mag-invest? Isipin mo, may dalawang pangunahing paraan upang kumita ng pera: pagtatrabaho (kasama na rito ang aktibong pagnenegosyo) at paggamit ng assets (o mga ari-ariang may tiyak na halaga, siyempre, kasama mismo ang pera o kapital na meron ka). Katotohanan lamang — hindi tayo maaaring magtrabaho sa buong buhay natin; tiyak na tatanda tayo at mababawasan ang pisikal na kakayanan para rito. Kaya kailangang mag-invest!
Ngayon, simulan natin sa tinatawag na investment. Ano nga ba ang investment? Batay sa karaniwang pagpapakahulugan, tumutukoy ito sa asset o aytem na binibili upang mag-generate ng income o kita, o paglago ng halaga nito sa paglipas ng panahon. Sa madaling salita, may garantiya ito ng mas malaking kapakinabangan sa mga susunod na buwan, taon, o dekada matapos mabili at maari. Kailangan mo lang ng kaunting patience, tutal sapat naman marahil ang naibibigay mo para sa iyong sarili sa kasalukuyan.
Isang praktikal na halimbawa ng investment ang (pagbili ng) lote o lupa. Noong nakaraang taon lamang bumili ka ng lote sa isang medyo remote na lugar. Ngayon, dahil nagkaroon ng developments sa kalapit nito (nagkaroon ng highway, nagtayo ng mga establishment, atbp.), tumaas ang halaga nito at sinusubukang bilhin ng isang developer para pagtayuan ng mall. O diba, tiba-tiba ka ngayon!
Suriin pa nating maigi ang investing (ang proseso sa pagkakaroon ng investments). Nakapaloob sa prosesong ito ang konsepto na: putting your money to work for you. Habang tayo ay masisigasig at malalakas pa, at kumikita ng perang kung susumahin ay higit nga sa kwenta ng ating walang katapusang gastusin at pangangailangan (na kung minsan, hindi na natin alam kung saan pa pwedeng gastahin), makabubuting maglagak sa iba’t ibang investment vehicles o means (maaari mong basahin ang Iba’t ibang Produktong-Pampinansyal sa Merkado).
Ikaw na lang siguro ang wala pang investment (sana mali ako). Katunayan, dahil sa age of technology at nagsulputang parang mga kaboteng financial literacy websites at blogs, dumaraming mga Pilipino, lalo na ang mga young working professional, ang may batayang kaalaman na hinggil dito, at karamihan ay pinasok na ang iba’t ibang investment gaya ng stocks, mutual funds, real estate atbp.
Habang bata, sikaping magpundar. Kailangang mag-invest!
Potential for Long-term Returns. Oo, maaaring sugal nga ang investment, lalo na kapagka ang napagdesisyunan mo ay ang stock investements. Subalit kahit mataas ang risk (actually, higit sa 80% ng stock traders, ay nalulugi) dito, may mga istratehiya pa rin gaya ng Peso Cost Averaging (o PCA, isang click lang ‘yan sa Google) na nangangako ng tiyak na paglago ng kapital sa paglipas ng mas mahabang panahon. Alam mo rin ba ang sinabi ni Albert Einstein: Compound interest is the eighth wonder of the world. He who understands it, earns it … he who doesn’t … pays it.
Beat Inflation. Dahil sa inflation o ang tuluy-tuloy na pagtaas ng pangkalahatang antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo, kung kaya’t hindi makabubuting ang lahat ng pera ay iniimpok o nakatengga lamang sa bangko. Sa paglipas kasi ng panahon, napag-iiwanan ang halaga nito ng papataas na antas ng inflation — hindi nakasasabay ang interes na inaalok ng bangko sa magkasamang rates ng withholding taxes at inflation.
Sa investment, tiyak na mas mabilis ang paglago ng pera at halaga ng assets kaysa sa antas ng inflation. Siyempre, kailangan mo ring alamin nang husto kung saang investment vehicles ba ganap na mama-maximize ang iyong kapital. Siyempre, huwag mo ring kalimutang maglagak sa bangko ng iilang libong piso para sa lagak-pangkagipitan o emergency fund (basahin nang buo ang tungkol dito sa Usapang Lagak-pangkagipitan).
Earning a Passive Income. Bukod sa kita mula sa trabaho, maaari (hanggang tiyak nga) ka ring kumita ng passive income mula sa iyong investments. Karaniwan, ang kita mula sa mga ito ay di-hamak na mas malaki kaysa sa interest na maaaring kitain ng iyong pera mula sa ordinaryong savings account. Halimbawa, sa stock investments, maaari kang makatanggap ng mga dibedendo (dividends), at sa real estate, kikita ka sa buwanang lease o upa. In the long run, maaari mong maabot ang inaasam-asam na financial freedom sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na income mula sa investments.
O diba, kailangang mag-invest! Kung may available ka ngang kapital o perang nakatengga lamang sa savings account, subukan mo ang ilang investment vehicles. Mangyari pa, pag-aralang maigi ang gagawing investment; sa madaling salita — alamin mo ang mga dapat mong malaman. Idagdag pa, sabi nga:
Don’t put all your eggs in one basket — diversify!
Be the first to comment