
Ang millennials, ayon sa isang online article, ay ang henerasyon ng mga taong isinilang sa pagitan ng 1980s at kakasimula ng 2000s. Naging kontrobersyal ang henerasyong ito dahil sa mga kakaibang katangiang malayung-malayo sa mga naunang henerasyon.
Sa pagsasalarawan, sinasabing sila ay mga tamad, may pagka-makasarili at hindi mapirmi sa iisang trabaho. Bukod sa mga ito, idinadagdag pa na sila ay “more civically and politically disengaged, naka-pokus sa pagpapahalagang materyal, at hindi gaanong interesado sa pakikibahagi ng tulong sa malaking populasyon.
Sa kabila ng mga negatibong pananaw, nakikitaan ang mga millennial ng positibong reaksyon sa pagpaplanong pinansyal na maaring mag-pokus sa mga aspekto o kahingiang mababanggit:
[1] Edukasyon (Education). Napakahalaga sa millennials ang makakuha ng diploma sa kursong pinapangarap. Bukod dito, sinusubukan din nilang mapayabong pa ang kaalaman sa pamamagitan ng short courses, habang ang iba ay ipinagpapatuloy ang masters degree. Nanniniwala sila na malaking bahagi ang ginagampanan ng edukasyon sa paglago ng sarili at ng lipunan.
[2] Trabaho at Kita (Work and Income). Malimit na hindi mapirmi sa isang trabaho o kumpanya ang millennials dahil mas pinapahalagahan nila ang mas maayos na working environment at kita kaysa ang tenure o tagal dito. Ayaw nilang nagkakandarapa sa pagtatrabaho sa katiting na sahod kung kayat mas ini-explore pa nila ang mga mas magagandang oportunidad.
[3] Makabagong Teknolohiya (Technology). Ayaw ng millennials na sila ay napag-iiwanan sa mundo ng makabagong teknolohiya. Madalas silang mag-ipon at gumastos para sa mamahalin at de-kalidad na gadgets gaya ng smartphones, tablets, at iba pa. Sa kabila nito, marurunong sila at masisining sa paggamit ng mga ito upang kumita gaya halimabawa ng blogging (gumawa ng sariling self-hosted blog), online selling, online game marketing, at kung anu-ano pa.
[4] Ipon at Lagak-Pangkagipitan (Savings and Emergency Fund). Marami ang nag-aakala na hindi marunong mag-impok o mag-ipon ang millennials. Marahil, dahil masyadong malihim at medyo makasarili sila. Ayaw nilang sila ay pinapakialaman ng iba sa pagpaplano sa buhay, lalo na sa pagpaplananong pinansyal. Subalit, hindi alam ng marami na nagsisimula na silang maglagak ng pera sa bangko.
[5] Posibleng Pamuhunan (Investments). Ginagamit na ngayon ng millennials ang makabagong teknolohiya upang makahanap ng mga posibleng paglagakan ng pamuhunan. May mga nae-engganyo sa multi-level marketing (MLM), habang ang iba ay pinapasok ang stock investment sa kabila ng limitadong kaalaman. Katunayan, sila ang mga halos walang takot na suungin ang mundo ng investment, at nasisiyahan silang matuto sa bawat pagkalugi at pagkakamali.
[6] Pagseseguro (Insurance). Dahil may pagka-makasarili ang millennials, ayaw nilang makapagpabigat pa sa mga taong nakapaligid sa kanila. Kung kayat karamihan sa kanila ay nae-engganyong kumuha ng insurance. Madalas sila ‘yung mga nag-aantay lamang na lapitan ng insurance agents, mga may kaalaman na dito subalit nag-aantay na may magpaliwanag pa nang lubusan.
[7] Negosyo (Business). Gaya nga ng nabanggit hinggil sa paggamit ng teknolohiya at investment risks, ang millennials ay sadyang creative lalo na kung paano kumita ng pera. Marami-rami na rin sa kanila ang sumusubok pasukin ang pagnenegosyo, at pagdating dito, mas pinaniniwalaan nila ang mga payo ng mga matagumpay na negosyante (o ayon sa mga babasahin) kaysa sa mga taong nakapaligid sa kanila gaya ng mga magulang o kaanak.
Katunayan, ilang lamang ang mga ito sa mahahalagang aspeto ng buhay-pinansiyal ng millennials. Totoo nga, na iba sila mag-isip at sumubok ng bago kung ihahambing sa mga naunang henerasyon. Gayunpaman, malaki ang potensyal nila na makatulong sa paglago ng lipunan.
Be the first to comment