
Kaiba o bukod-tangi ang lahing Pilipino. Pagdating sa usaping pinansyal, maraming katangian, kaugalian, at kaisipan tayo na walang katulad sa marami sa mundo. Marami sa mga ito ang positibo. Marami ring negatibo.
Sa pagnanais na maisakatuparan nang mas mahusay ang pagpaplanong pampinansyal, mainam na magsimula tayo sa pag-alam, pagtanggap, at pagwaksi ng mga negatibong bagay, mga hadlang sa pagyaman, na kakabit na ng ating pagka-Pilipino. Makatutulong ang tala upang tayo ay magising at mahimasmasan:
[1] Kawalan ng Interes at Panahon sa Personal Finance. Sadyang hindi nauunawaan ng nakararaming Pilipino ang kahalagahan ng financial literacy. Sinasabing ganap na financially literate ang isang tao kung nauunawaan niya nang lubusan ang napakalaking bahaging ginagampanan ng salapi sa buhay.
Iilan lang marahil sa atin ang sistematikong nangangangasiwa ng badyet o maingat sa pagmo-monitor ng cashflow.
Maaaring mag-ugat ang kawalan ng interes at panahon sa pagsusuri ng buhay-pinansyal sa kawalan ng ganap na kabatiran sa malaking implikasyon o impluwensya ng usaping pinansyal sa kabuuang pagpapabuti ng kalidad ng pamumuhay.
[2] Kakulangan sa Ehemplo at Tamang Pagpatnubay. Malaking bahagi ang kailangang gampanan ng mga magulang at nakatatanda sa pamilya sa paggabay o pagpatnubay sa mga nakababata upang maging maayos sa pagpaplanong pampinansyal.
Tulad ng inaasahan, walang sapat na kaalaman at karanasan (halimbawa, sa pagbabangko, pamumuhunan, atbp) sa pinansyal na aspeto ang nakararaming nakatatanda sa lipunang Pilipino kung kaya’t walang maaasahang matatag na pagpatnubay o payong-pampinansyal ang maibabahagi at maipagpapatotoo sa mga nakababata.
[3] Kabawalang-Kultural sa ‘Usapang Pinansyal’. Kaugnay ng naunang mga aytem, hindi bahagi ng kultura ng mga Pilipino ang seryosong pagtalakay ng mga isyung pampinansyal. Sinasabing hindi pa rin katanggap-tanggap na pag-usapan ang pera sa hapag-kainan, o ang paksang ito ay nananatiling ‘taboo.’
Kalimitan, nakakahiyang malaman ng iba, kahit mga magulang, kung magkano ang ating kinikita. Dahil dito, kung minsan, walang nakauunawa na walang nagagawang pag-iipon dahil sapat lamang sa ambag sa gastusin sa bahay at sa personal na pangangailangan ang buwanang kita.
[4] Kaunahan ng ‘Tingin ng Madla’ sa ‘Kung Ano ang Praktikal’. Karaniwang kaisipan ng nakararami ang maging ‘mayaman,’ ‘maluho,’ ‘ma-pera,’ at ‘galante’ sa mukha ng publiko. Ayaw nating magmukhang dukha o hikahos kung kaya’t minsan napapasubo tayo na gumasta nang hindi katanggap-tanggap upang maprotektahan lamang ang imahe.
Hindi naman kailangang bigyang-diin ang tunay na kalagayan sa buhay, subalit ang labis na pagpapanggap, kung minsan, ay humahantong lamang sa patung-patong na pagkakautang at suliranin sa pangangasiwa ng badyet.
[5] Kaisipang Negatibo sa Pag-iipon at Pagtitipid. Sa mga tradisyunal na pamilyang Pilipino, masama ang pag-iipon (paga-alkansya), kung minsan pati pagtitipid, dahil nagbabadya ito ng kagipitan sa hinaharap gaya ng pagkakasakit, kawalan ng trabaho at kita, at iba pa.
Masyado nga yatang mapamahiin ang mga Pilipino. Sadyang mahilig at masining sa pagtagni-tagni ng mga pangyayari sa buhay kahit kung minsan ay walang kabuluhan o wala sa katwiran. Sa puntong ito, isang malaking sagabal o hadlang sa pagyaman ang mga pamahiin.
[6] Kapusukan sa Paggasta sa Ngalan ng Pakikisama. Lahat siguro tayo ay guilty sa katotohanang ito. Sa labis na pagpapahalaga sa ugnayan sa iba, sa katrabaho, kaibigan, o kakilala, handa nating sirain ang itinakdang badyet at gumastos nang malaki.
Kung minsan kasi, o marahil palagi, ayaw nating mabansagang ‘kj’ o outcast, kung kaya’t, kahit gipit, ay sumasama kumain sa labas, sa mamahaling restaurant, mag-Friday night out, atbp. Idagdag pa, minsan, tayo pa mismo ang taya.
[7] Kakitiran ng Isipan Pagdating sa Pamumuhunan. Tradisyunal tayo. Konserbatibo. Kung minsan, sadya lamang makitid ang isipan natin tungkol sa mga pamumuhunan. Marahil, kampante na tayo sa pag-iipon at pagkakaroon ng savings account.
Karamihan, bata at matanda, ay nakapako sa paniniwalang ang lahat ng pamuhunan ay gambling o sugal. Dahil dito, hindi bukas ang karamihan sa paggamit ng pera o kapital upang magkaroon ng panggagalingan ng iba pang kita o passive income, lalo na kung pang-long term o pangmatagalan ang ipinapangakong paglago.
[8] Kamalian sa Pakikipagsapalarang Pampinansyal. Sa kabilang banda, mahilig ang mga Pilipino sa short-term, quick-scheme investments. Paano ba naman, gustong yumaman kaagad.
Maiuugnay ang kamaliang ito sa kapusukan o padalus-dalos na desisyon sa kabila ng kawalan ng batayang kaalaman at karanasan sa iba’t ibang pamuhunan. Katunayan, hindi mawawala sa mga pangarap ng bawat Pilipino ang yumaman subalit hindi konkreto ang mga plano kung paano ito matatamasa.
[9] Karuwagan sa Pagharap sa Pagkakautang. Mahilig mangutang ang mga Pilipino. Ang iba, nangungutang hindi dahil sa pangangailangan kundi dahil sa luho at pagkakataong may mauutangan. Kasabay nito, hindi isipin ng maraming mangungutang ang problema sa pagbabayad kung kaya’t walang malinaw na plano tungkol dito.
Sa napakaraming mga patotoo, ang pangungutang, na malaking hadlang sa pagyaman, ay karaniwang mitsa ng pagkawasak ng mabuting ugnayan. Ang kawalan ng isang salita at pagka-pako ng mga pangako tungkol sa pagbabayad ng utang ang karaniwang salamin ng karuwagan ng maraming Pilipino sa pagharap sa responsibilidad.
[10] Kawalan ng Disiplina at Pagiging Maluho. Marahil sadya lamang panatiko ang nakararaming Pilipino ng mga kalidad na gawa ng iba, karaniwan ng mga dayuhan. Materialistic, ‘ika nga.
Pumapasok din sa pagtalakay na ito ang ilan sa mga naunang aytem. Ang pagiging mapusok at kawalan ng panahon at interes na suriin ang tunay na kalagayang-pinansyal, partikular ang pagbabalanse ng mga gusto at mga pangangailangan ay ilan lamang sa mga ugat ng usaping ito.
[11] ‘Kikitain ko din ‘yan…pera lang ‘yan’ na Saloobin. Sabagay, pera nga lang naman subalit kakambal ng kaisipang ito ang isa sa mga malalaking hadlang sa pagyaman— ang kawalan ng disiplina sa tamang paggamit ng pera. Kinakailangang mabatid ng nakararami, at binibigyang-diin na ang pera ay instrumento lamang na maaring makapagpabuti at makapagpasama ng pananaw at pamumuhay.
Kung tutuusin, sumasalamin ang pera sa pawis at hirap sa pagtatrabaho. Sumisimbolo rin ito ng mga pagkakataon upang malasap ang bunga ng naturang sakripisyo. Dahil dito, nararapat lamang na gamitin ito nang may tamang saloobin at sa tamang paraan.
[12] Katamaran sa Paghahanap ng Karagdagang Kita. Sanay at kampante na ang karamihan sa buhay na ‘isang kahig, isang tuka.’ Sinasabing lubhang malalim ang ugat ng kalagayang ito (madalas iniuugnay sa mga pangyayaring pangkasaysayan)— hindi raw basta katamaran.
Kahanay nito ang iba pang negatibong gawi, na sagabal sa pagyaman, gaya ng pagiging ningas-kugon, ang mañana habit, atbp. Karaniwang depensa sa hindi paghahanap ng karagdagang pagkakakitaan ang kakulangan ng oras para rito, sagabal sa kasalukuyang trabaho, atbp.
[13] Kakuntentuhan sa Kasalukuyang Estado-Pinansyal. Direktang kakambal ng nauna ang pagiging panatag o kontento (complacent) sa kasalukuyang estado ng pamumuhay, lalo na sa estado-pinansyal. Kung minsan kasi, hindi naman talaga katamaran ang namamayani sa sistema kundi ang kaisipang ‘sapat naman.’
Dahil sa kaisipang ito, hindi nabibigyan ng ganap na pagkakataon ang sariling kaalaman at kasanayan upang magamit nang lubusan. Sa madaling sabi, nagiging balakid ito sa posible pang paglinang ng sarili at kabuuang pag-unlad.
[14] Kaisipang ‘Investment ang mga Anak’. Nakalulungkot man ngunit ito ang katotohanan sa lipunang Pilipino. Itinuturing ng halos lahat ng mga magulang na investment o pamuhunan ang mga anak. Nararapat lang naman talaga. Subalit hindi maganda o positibo sa lahat ng anggulo.
Nangyayari, sa oras na makapagtapos at makapaghanap-buhay ang mga anak, kailangang magbigay-tubo dahil sa utang na loob. Kadalasan pa, umaasa na lamang ang mga magulang sa mga anak hanggang sa kanilang pagtanda. Kagaya ng inaasahan, nagiging malaking responsibilidad (pinansyal) hanggang pasanin sila ng mga anak na dapat ay nagsisimulang bumuo ng kani-kanilang mga plano sa buhay.
Nagiging cycle ang kalagayang ito. Isang magandang solusyon ang paghahanda para sa pagreretiro o retirement, pati na ang ibang mga pamuhunang maaaring magbigay kita hanggang sa pagtanda.
[15] At MARAMI pa (sobrang dami pa). Napaisip ka ba? Ngayon, binibigyan kita ng obligasyon at pribilehiyo, bilang isang Pilipino, na makilahok sa ating talakayan tungkol sa bagay na ito. Sadyang inilaan ang COMMENT SECTION sa ibaba sa iyong mga maidaragdag na opinyon o iba pang sagabal o hadlang sa pagyaman.
Be the first to comment